HANGGANG ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Judy Ann Santos na siya ang nanalong Best Actress sa katatapos lang na 2019 Cairo International Film Festival para sa pelikulang “Mindanao”, isa sa official entry sa nalalapit na 2019 Metro Manila Film Festival.
Nakachikahan namin si Juday kamakailan at inamin niyang natupad na ang dati’y pinapangarap niya lang bilang aktres, “That proud of moment, I think… pag artista ka, pangarap mo ‘yun e, makaakyat ka sa entablado ng ibang bansa at maiangat mo ang bandila ng Pilipinas. That’s something na ang sarap ipakita sa mga anak ko.”
“Kasi, ang pangarap ko lang talaga ay makasali ang pelikulang ginagawa ko sa mga international film festivals, ma-experience ko lang sila. Kaya ‘yung Busan Film Festival, para akong bata, para akong nasa playground kung makatingin ako. Pero ‘yung maging best actress sa international film festival, hindi ko siya ma-digest, na parang ‘totoo ba talaga ito?’ Kasi alam ko sa teleserye lang ako nagsimula,” dagdag pa niya.
Ibang-iba raw ang feeling ng malaman niya ang napakainit na pagtanggap ng mga manonood sa “Mindanao” na idinirek ng internationally-acclaimed director na si Brillante Mendoza, “Sobrang happy naman ako na ibang klaseng trabaho ang nakita sa akin. And that’s because si direk Brillante guided me with an excellent directing. Iba siya, eh. Iba siya mag-explain, maiintindihan mo siya.
“Tsaka, dahil pinanood ko ‘yung mga pelikula niya, kahit paano alam ko kung ano ‘yung gusto niyang itawid na arte. Hindi ko siya inaral pero hinayaan kong mailabas ko ‘yung emosyon ko. Ang tagal niyang inaral ‘yung project. Nag-volunteer pa siya. nag-stay din siya sa House of Hope, ang alam ko, para maintindihan niya ‘yung pinagdadaanan ng mga magulang, ng mga bata. According to him, na-inspire siya sa litrato ng isang batang cancer patient na tumira sa House of Hope. Basically, doon nagsimula ‘yung inspiration niya for ‘Mindanao.’”
Sa tanong kung ano ang mga challenges na hinarap niya sa pagganap bilang Muslim na ina na nag-aalaga ng anak na may kanser sa “Mindanao”? “Ang dami kasi nilang traditions. They respect their religion so much, kahit kapwa nila Muslim. Iba sila sa suportahan. ‘Yung character ni Saima as a Muslim mom, wala naman siyang pinagkaiba sa kahit na sinong nanay na kailangan mag-sacrifice para sa anak niya. Nagkataon lang na Muslim siya.
“Ang mas kritikal lang sa kanila, kapag may namatay, hindi kailangan tumagal ng 24 oras, hindi kailangan paglubugan ng araw, libing agad. So ‘yung pain lang, ‘yung hirap lang siguro na may hinahabol kang oras tapos wala roon ‘yung asawa mo. ‘Yun, ang hirap ko siyang ikamada kasi, roon pa lang, noong inilagay ko ‘yung sarili ko sa posisyon, parang sasabog ‘yung puso ko thinking na you’re running against time, and they have this, they have that, and you can’t do anything about it’s religion. And I totally respect that,” pahayag pa ng misis ni Ryan Agoncillo.
Samantala, inialay din ni Juday ang kanyang Cairo best actress award sa kanyang inang si Mommy Carol, “My mom is very, very happy. Para sa kanya naman ‘tong award na to eh. Lahat naman ng nanay, may kanya-kanyang klase ng sakripisyo na binibigay para magbigay ng magandang buhay sa mga anak nila.
“Wala akong ibang taong naisip noon kung ‘di ang mommy ko. Kaya sabi ko sa kaniya, kailangan nandoon ka sa special block screening, kailangan mapanood mo,” aniya pa.