Kinailangan naming magdagdag ng oras para sa aming programa ni Romel Chika (Cristy Ferminute, Radyo Singko) dahil sa late nang pagdating ni Carmina Villaroel sa studio ng TV5.
Matindi ang trapik kahit saan ngayon, puro nakasimangot na driver at pasahero ang makikita sa kahabaan ng EDSA, kung saan nasukol nang matinding trapik ang aktres.
“Kung puwede lang sanang maglakad na lang ako, e, ginawa ko na! Grabe ang kalye, walang galawan!” umpisang sabi ng maganda pa ring aktres na bida sa pelikulang “Sunod” na lahok sa MMFF.
Wala pa ring ipinagbabago ang kanyang itsura na laging ipinaplakado kay Alice Dixson. At panalung-panalo ang kadaldalan ni Mina, nagawa niyang makabuluhan ang limang minutong ekstensiyon na ibinigay sa kanya ng CFM, may rebelasyon pa siya sa pagkatapos ng programa.
“Alam n’yo bang gustong-gusto ko talagang magkaroon ng radio program? Matagal ko nang pangarap na maging radio anchor. Bata pa lang ako, e, humahawak na ako ng kahit ano para gawing microphone, nag-iilusyon akong announcer!” dire-diretsong kuwento ng magandang aktres.
Mahusay silang humawak ng pera ng mister niyang si Zoren Legaspi, alam nila kung anu-anong negosyo ang kanilang tatayaan, alam namin ‘yun dahil anak-anakan namin ang mga pinsan ng aktor.
At aminado si Carmina na nagpaalam na siya sa pagbibili ng mga bagay-bagay na luho lang naman kung tutuusin, mas nakatuon na ang kanyang isip ngayon sa kinabukasan ng kanilang pamilya.
“’Yun ang natutuhan ko kay Zoren, lagi niyang ipinaaalala sa akin na walang katiyakan ang hanapbuhay namin. Ayaw niyang dumating ‘yung time na kapag wala na kaming mga projects, e, nganga na kami!” seryosong pahayag ni Carmina.
Napakagandang pananaw.