LIMA katao ang nasawi habang di bababa sa 12 ang nasugatan nang magsalpukan ang isang pampasaherong bus at trak sa matarik at liku-likong bahagi ng Diversion Road sa Pagbilao, Quezon, Sabado ng hapon.
Sugatan din ang driver ng trak na si Sander Soliveres, 30, kaya dinala sa pagamutan at naka-“hospital arrest” habang isinusulat ang istoryang ito.
Naganap ang insidente sa bahagi ng New Diversion Road ng Maharlika Highway sa Sitio Upper Sapinit, Brgy. Silangang Malicboy, dakong alas-4:30.
Minamaneho ni Soliveres ang Mitsubishi Fuso Canter aluminum closed van (EVT-834) pa-hilaga nang masalpok ang kasalubong na bus na dala ni Reynaldo Sampilo, 44.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na bahagyang pumasok ang trak sa kabilang lane nang sapitin ang isang pababang “sharp curve” kaya nasalpok at nakayod ang kaliwang bahagi ng bus.
Agad nagtungo sa pinangyarihan ang barangay officials, mga tauhan ng pulisya, Bureau of Fire Protection, at municipal disaster risk reduction offices ng Pagbilao at Atimonan para sagipin ang mga sugatan.
Dinala ang mga sugatang pasahero ng bus sa Quezon Medical Center sa Lucena City habang ang driver ng trak ay dinala sa MMG Hospital ng parehong lungsod.