IDINAWIT ang pangalan ni Speaker Sonny Belmonte sa “Three Kings” sa Bureau of Customs dahil ang isa sa kanila ay kanyang kapatid.
Ang Three Kings ay kinabibilangan nina Collector Ricardo “Boysie” Belmonte ng Manila International Container Port (MICP), Collector Rogel Gatchalian ng Port of Manila, at Carlos So, collector ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang mga backers daw ng Three Kings o Tatlong Hari ay sina Speaker Belmonte sa kanyang kapatid na si Boysie; dating Senate President Juan Ponce Enrile, kay Gatchalian; at ang Iglesia ni Cristo, kay So.
Totoo ang paratang sa dalawa—Gatchalian at So—pero walang katotohanan ang kay Belmonte, ang sabi sa akin ng ilang customs insiders.
Si Belmonte, ayon sa aking mga sources, ay magaling na collector kaya’t siya’y inasayn sa MICP.
Bago pa man naasayn si Boysie Belmonte sa MICP, pinakita niya ang kanyang galing sa pagpapatakbo ng ibang ports, gaya ng Port of Cebu, kung saan siya galing bago napunta sa MICP.
Belmonte, who came from the ranks, is an engineer by profession.
Hindi siya tinulungan ng kanyang nakatatandang kapatid na si Speaker Belmonte sa kanyang mga promotions sa Bureau of Customs.
Hindi rin nilapitan ni Boysie si Speaker upang ma-promote.
“Bakit kailangan pa niyang lapitan ang kanyang kapatid, eh magaling na siya?” sabi ng isang customs employee.
Kaya’t unfair kay Boysie Belmonte na siya’y suportado ng kanyang kapatid na Speaker.
Pero sa kaso nina Gatchalian at So, talagang gumamit sila ng padrino upang malagay sila sa kani-kanilang mga puwesto.
Si Gatchalian, na isang opisyal na ordinaryo ang talento, ay binabandera ang pagiging bata ni Enrile.
Ganoon din si So, na diumano’y pinaka-unpopular na opisyal sa customs.
Palagi raw pinangangalandakan ni So ang kanyang pagiging miyembro ng Iglesia ni Cristo.
Ngayon na alam na ninyo ang tunay na istorya, masisisi ninyo ba si Belmonte na magkaroon ng kapatid na Speaker of the House of Representatives?
Nagkataon lang na ang kapatid ni Belmonte ay isang mataas na pang-apat na pinakamataas na opisyal ng bansa na hindi naman niya pinangangalandakan.
Ayaw tuminag si Carlos So sa kanyang puwesto bilang customs collector sa NAIA.
Hindi niya sinusunod ang utos ni Customs Commissioner Ruffy Biazon na lahat ng collectors sa buong bansa ay umalis na sa kani-kanilang puwesto.
Nanghihinayang yata si So sa mga perang kikitain pa niya sa NAIA.
Si So ay may-ari ng malaking mansion na nagkakahalaga ng P300 million sa Fort Bonifacio at maraming mamahaling kotse.
Pero hindi siya iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman dahil sa unexplained wealth.
Alam na natin kung bakit.
Bakit hindi binubunyag ng Department of Foreign Affairs ang pangalan ng dalawang magkapatid na nahuli sa Hong Kong na may dalang 14.5 kilo na shabu?
Dapat ay pangalanan ang magkapatid na drug mules upang huwag silang pamarisan.
Sa ilalim ng batas ng Hong Kong, habambuhay silang mabibilanggo.
Bibigyan pa raw ng ating gobyerno ang dalawa ng mga abogado upang maipagtanggol sa korte.
Huwag na!
Ipinahiya nila ang bansa, pagkatapos ay ipagtatanggol pa sa korte?