PATAY ang isang negosyante nang magkulong sa kanilang bahay, na kanya umanong sinilaban matapos saksakin ang kanyang live-in partner, sa Malate, Manila, Biyernes.
Nasawi si Rowel Camero, 54, habang ang kinakasama niyang si Anina Rose Tejas, 30, ay nasagip at dinala sa pagamutan, ayon sa ulat ng Manila Police District Station 9.
Naganap ang insidente dakong alas-10:30, sa bahay ng dalawa sa Espiritu st., Brgy. 751, Zone 81, dakong alas-10:30.
Nagtalo umano sina Camero at Tejas dahil sa pagseselos, at sa gitna nito’y sinaksak ng kutsilyo ng lalaki ang katawan ng babae.
Duguang lumabas ng bahay si Tejas at humingi ng saklolo. Nasagip siya ng mga pulis at opisyal ng barangay, at itinakbo sa Ospital ng Maynila.
Ilang minuto lang matapos ito’y nagsimula nang lamunin ng apoy ang bahay.
Sinilaban umano ni Camero ang bahay at saka siya nagkulong sa banyo, ayon sa pulisya.
Naapula ng mga bumbero ang apoy alas-11:31.
Bukod sa pagkasawi ni Camero ay nagdulot ang sunog ng tinatayang P50,000 halaga ng pinsala sa ari-arian.