Leksyon para sa Purefoods

Lucky Shot by Barry Pascua

MASWERTE rin itong si Kerby Raymundo na nakaiwas sa pagkakasuspindi sa Game Three ng best-of-seven semifinals series sa pagitan ng Purefoods Tender Juicy Giants at San Miguel Beer sa KFC PBA Philippine Cup.
Ito’y matapos na masampal siya ng dalawang technical fouls may 4:11 ang nalalabi sa second quarter ng Game Two na napanalunan ng Purefoods sa kabila ng pagkaka-thrown out niya. Ang unang technical foul ay bunga ng “resentment to a call” at ang ikalawa’y bunga ng “physical contact with a referee.”
Wala namang problema sa resenment to a call dahil sa maraming mga manlalaro ang kadalasa’y hindi sumasang-ayon sa tawag ng referees laban sa kanila.
Pero ‘yung physical contact with a referee ang medyo maselan. Sa mga nakaraang taon ay may ilang manlalaro na nasuspindi dahil sa infraction na ito.
Kaya naman medyo nalagay sa balag ng alanganin ang paglalaro ni Raymundo sa Game Three. Mabuti na lang at hindi nga siya nasuspindi at pinagmulta lang siya ng P4,000.
At siyempre, magandang balita rin iyon para sa Purefoods dahil sa kumpleto ang Giants papasok sa Game Three. Hindi nga lang natin alam kung ano ang naging resulta ng laro kagabi dahil sa maaga nating isinulat ang pitak na ito.
Pero isang leksyon para kay Raymundo ang nangyari. Isang leksyon din iyon para sa lahat ng Giants.
Kasi nga, kapuna-puna sa Game Two na panay ang reklamo ng Giants lalo na sa first half. Ilang manlalaro ang nabigyan ng warning bunga nito. May isang sequence nga na naka-shoot ang Beermen at magbababa na lang ng bola ang Giants ay nagreklamo pa ang isang manlalaro ng Purefoods. Hayun at natawagan sila ng technical foul.
Kaya nga habang ginagawa ko ang radio coverage ng larong ito sa 810 RJ AM ay sinabi ko sa aking partner na si Boyet Sison na nagtataka ako sa iniaasal ng Giants. Hindi ko maintindihan kung bakit panay reklamo ang mga manlalaro ni coach Paul Ryan Gregorio gayung kontrolado naman nila ang laro. Katunayan, nang ma-thrown out si Raymundo ay lamang sila ng 12 puntos.
Para bang walang saysay ang kanilang pagrereklamo’t binibigyan lang nila ng pagkakataong makabalik ang Beermen sa pamamagitan ng technical free throws. Para bang wala sa laro ang concentration nila.
Sa totoo lang, isa sa patunay na may lapse in concentration ang Giants ay nang tumawag ng timeout sa backcourt si Marc Pingris may pitong segundo ang nalalabi bago mag-halftime break. Hayun at full timeout ang ibingay sa kanila imbes na 30-second timeout. Kasi, kapag nasa backcourt ka at wala pa namang last two minutes ng laro, full timeout ang ibibigay ng referee. Kailangang itawid muna sa midcourt ang bola bago humingi ng timeout. E, hindi naman kailangan ng Purefoods na tumawag ng timeout sa puntong iyon dahil lamang sila, 50-36.
Well, marahil ay ipinaalala ni Gregorio sa halftime break na useless ang pagrereklamo nila at kailangan mag-concentrate sila sa laro. Ang coach na lang ang dapat magreklamo.
At iyan ang dapat gawin ng Giants sa kabuuan ng serye!

BANDERA, 021510

Read more...