A doctor’s road rage

ANG dapat kong isusulat sa column na ito ngayon ay ang hinahanap kong sagot sa problema sa EDSA na itinanong ko sa mga nagbabasa sa akin sa Facebook.

Pero nagbago ang desisyon ko matapos ko mapanood ang kabastusan ng isang doktor daw sa isang ordinaryong driver ng isang van kamakailan lamang.

Sa video, lumalabas na gusto sumingit ni Dok pero hindi siya napagbigyan ng driver ng van.

Dahil dito, binaba at pinagmumura ni Dok ang driver ng van. Sobrang tindi ng pagmumura ni Dok na ultimo aso ay di malulunok ang mga salita niya.

Pati ang kasamang babae ng driver ng van ay hindi nakaligtas sa galit at kabastusan ni Dok.

Maliban sa pagyayabang na isa siyang doktor, nilait pa niya ang driver na isang “maliit na tao lamang” at walang karapatan harangan siya.

Ipinatawag na si Dok ng LTO upang ipaalam na suspendido na ang lisensiya niya.

Pero ito ang masakit na salamin ng lipunan natin. Yumaman lang nang konti, nakaangat lang sa lipunan, napakababa na ng tingin sa kapwa.

Idagdag pa natin na walang kaalam-alam sa batas trapiko ang 99 percent ng driver natin kaya laging may away o road rage sa mga kalye sa bansa.

Sa insidente ni Dok, wala siyang karapatan magalit kung siya ay sumisingit dahil base sa salita pa lamang, pag-singit, nasa maling lugar at gawain na siya.

Ang tamang gawi ay buksan ang turn signal upang malaman ng mga sasakyan sa paligid niya ang nais niya gawin or “intention” at hintayin na siya ay pagbigyan ng isa sa mga dumadaan sa sasakyan.

Hindi niya karapatan sumingit, nakikiusap siyang bumagal ang isang sasakyan upang siya ay pagbigyan makadaan o makapasok sa linya. Ito ay request hindi right.

Pero dahil halos lahat ng Pinoy ay mal-edukado sa batas at intricacies ng pagmamaneho, ganito ang ugali natin sa kalye.

Sana ang driver education ay isama na sa primary at secondary education curriculum upang ang lahat ng bagong driver ay properly street educated na.

Trabaho ito ng Kongreso at Senado, ang ayusin ang edukasyon sa paggamit ng lansangan, imbes na magpasa ng batas na nagpapalit ng pangalan ng kalye.


***
Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@ gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.
Read more...