Upang alamin ang buong pangyayari sa sinapit ng OFW, tinawagan namin siya on-the-air sa Radyo Inquirer DZIQ 990 AM.
Doon na nagkuwento ang OFW. Nakilala ‘anya niya ang kaniyang misis sa pamamagitan ng pen pal na nagtatrabaho din noon sa Singapore. Pareho silang OFW. Sandaling panahon lamang silang nagkakilala at nagkasundo parehong umuwi ng Pilipinas upang magpakasal sa bansa.
Pagkatapos ng kasal, nagpatuloy sa pag-aabroad si mister at naiwan na sa bansa si misis.
Tulad nang maraming OFW, isang maligayang buhay pamilya ang kaniyang pinaka-aasam-asam. Na may sariling tahanan siyang uuwian at daratnan ang kaniyang mga mahal sa buhay kung saan naroroon ang kaniyang misis at mga anak.
Ngunit hindi pa nagtatagal ‘anya ang kanilang pagsasama nang dumating sa kaniyang buhay ang hindi niya inaasahan.
Minsang umuwi siya ng Pilipinas galing Saudi,nahuli niya sa akto ang misis kasama ng kalaguyo nito. Hindi matanggap ng OFW ang kaniyang nakita at sa labis na pagkagulat na may halong galit, napatay nito ang lalaki.
Ito ang dahilan kung bakit nakulong ang OFW at nasa ika-13 taon na ‘anya siyang preso. Tuluyang iniwan na rin siya ni misis.
Pagsisihan man ng OFW ang nagawang krimen, huli na ‘anya at pinagbabayaran na nito sa bilangguan ang pagkakapatay sa naging kalaguyo ng asawa.
Ngunit kakaiba rin ang kaniyang kahilingan sa Bantay OCW. Nakikiusap siyang kung maaaring ibigay namin on the air ang kaniyang mobile phone number upang makahanap ‘anya siya ng ka-text mate na OFW sa Hongkong.
Tuwirang binanggit ng OFW na taga Hongkong ang kaniyang hinahanap at hindi yaong mga nagtatrabaho sa ibang bansa.
Wala naman siyang naibigay na dahilan kung bakit taga Hongkong lang ang nais niyang maging kaibigan. Marahil nagka-trauma na siya sa taga Singapore.
Gayong ganoon lang sana kasimple ang hiling ng OFW, ngunit ikinalulungkot namin na hindi namin maibibigay at maia-anunsiyo on the air ang kaniyang numero. Iniiwasan ng Bantay OCW na mamagitan sa ganitong mga usapin. Mahirap nang manggagaling sa amin ang kaniyang numero at sa bandang huli, kung magkakaproblema ito sa kaniyang makikilala, baka masisi pa ang Bantay OCW dahil maaaring sabihin nilang dahil sa amin kaya nila nakilala ang OFW at siya pang naging dahilan ng kanilang mga problema.
Masyado na pong personal ang kahilingang ito kung kaya’t ipinapayo namin sa ating OFW, wala pa ring tatalo na personal ninyong makikilala ang isang tao, maging magkaibigan muna kayo bago pumasok sa isang seryosong pakikipag-relasyon.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com