UMAMIN si Vice Ganda na nagkatampuhan na sila ng kanyang kaibigan na si Coco Martin – basta isang araw ay hindi na lang sila nag-usap at nagpansinan.
Sa presscon ng 2019 MMFF entry ng TV host-comedian, ang “The Mall, The Merrier”, binalikan ni Vice ang panahon nang magkaroon sila ng misunderstanding.
Ayon sa Unkabogable Star, magkaibigan na sila ng aktor kahit noong nagsisimula pa lang sila sa showbiz pero nagkakaroon din sila ng mga hindi pagkakaunawaan.
“Kailan ba yung Beauty and the Bestie? (MMFF entry na pinagbidahan nila ni Coco).
Nagkatampuhan kami nu’ng…pero hindi dahil yung… hindi right away, hindi right after (ng Beauty and the Bestie).
“Nagkatampuhan kami nu’ng gagawa kami ng pelikula nu’ng susunod na filmfest,” aniya pa. Naglaban ang mga pelikula nila sa sumunod na MMFF noong 2017 – “Gandarrappido: The Revenger Squad” para kay Vice at “Ang Panday” naman ang kay Coco.
Pero nilinaw ni Vice na hindi naman ito matinding away, “Pero very minimal. Actually, tampuhan na hindi kami nag-usap, nag-artihan kaming dalawa.
“Yung may mga tampo ako sa kanya, ‘tapos sinasabi ko lang sa mga common friends namin, tapos siya rin. Yung ipinararating namin sa ibang tao yung tampo namin. “Tapos pag nagkita kami, wala. Yung mga kaibigan namin, parang, ‘Sira-ulo yung dalawang ‘to.
Okay naman sila, pero ang dami nilang chika.’ Kanya-kanya kayong sumbungan. Ganu’n na yung relationship namin ni Coco,” paliwanag pa ng TV host-comedian.
Naikuwento rin ni Vice ang pagkikita nila ni Coco sa isang restaurant last month kung saan nagpalibre pa siya sa aktor. Dito raw kinumusta ng binata ang pelikula niya sa MMFF kaya nagkakuwentuhan na rin sila tungkol sa entry ng aktor na “3Pol Trobol: Huli Ka Balbon,” kung saan kasama naman sina Jennylyn Mercado at Ai Ai delas Alas.
“Sabi niya, ‘Alagaan mo ‘tong filmfest,’ sabi niya sa akin. Sabi pa niya, ‘Ako, okay na akong sumusunod sa pelikula mo, na first runner-up lagi.’ “Sabi kong ganoon, ‘Uy, hindi naman.’ Tapos sinabi ko, ‘Okay din ang first runner-up,’” natawang biro ni Vice.
Pati ang kanyang health ay inurirat din ni Coco, “Sabi ko sa kanya, ‘Ikaw nga ang gusto kong kamustahin. Ikaw ba humihinga ka pa ba? Nagdidirek ka ng Probinsyano, nagdidirek ka ng pelikula mo, ikaw din ang producer, ikaw din ang artista, ikaw na lahat, tapos ikaw din manonood, di ba?’
“Sabi ko, ‘Nagwo-worry ako sa ‘yo lagi.’ Kaya ang saya na nagkita lang kami. Hindi nawawala yung love, concern namin sa isa’t isa. Kasi nu’ng nagsimula kami dito, ganoon kami, e,” lahad pa ng dyowa ni Ion Perez. Samantala, promise ni Vice hindi sila mapapahiya sa entry nila sa MMFF this year dahil bukod sa nakakatawa at inspiring na kuwento nito, first time silang magkakasama ni Anne Curtis sa movie at sa filmfest pa.
Ngayon pa lang ay marami na ang nagsasabi sa number one na naman ang movie nila. Ang “The Mall, The Merrier” ay mula sa Viva Films at Star Cinema sa direksyon ni Barry Gonzalez. Kasama rin dito sina Dimples Romana, Tony Labrusca, Ion Perez, MC and Lassy, Brendamage, Petite, Chad Kinis, Jackie Gonzaga at maraming-marami pang iba. Showing na ito sa Dec. 25 nationwide.