Minsan pang nagkatotoo kina Jomari Yllana at Abby Viduya ang walang kamatayang kasabihan na first love never dies.
Ilang dekada silang nagkahiwalay mula nang maging magkarelasyon sila nu’ng mga bagets pa sila.
Napakarami nang naganap sa kani-kanilang buhay, nakailang karelasyon na si Jomari, ganu’n din si Abby Viduya na nang magpa-sexy na sa mga pelikula ay naging Priscilla Almeda ang pangalan, pero nang muling magkrus ang kanilang landas, muling sumibol ang pagmamahalan.
Hindi pa matanda si Priscilla, halos magkaedad lang sila ni Jomari, pero mukhang ito ang pinariringgang matandang mapera ng nakahiwalay na ka-live-in ng aktor na si Joy Reyes. Mabuti naman at sumagot na si Jomari sa mga ibinabatong paratang laban sa kanya ng ina ng dalawa niyang anak.
Mabuti naman at hindi na nagpakadedma ang aktor dahil sobrang nagiging negatibo na ang kanyang imahe dahil sa pagtungayaw ni Joy Reyes sa social media.
Hindi naman pala niya inabandona ang kanilang mga anak. Maaaring kay Joy ay wala nang nararamdaman ang aktor pero hindi niya tinalikuran ang sustento para sa dalawang bata. Sa mga kuwento kasi ni Joy ay para bang wala nang pakialam si Jom sa kanilang mga anak, para bang si Joy na lang ang gumagawa ng paraan para mabuhay ang mga bata, hindi naman pala ganu’n ang senaryo ayon kay Jomari.
Tuwing akinse at katapusan pala ay nagpapadala siya ng sustento, nagpapa-grocery rin siya sa kanyang mga pinagkakatiwalaan para sa mag-iina, saka niya ipinadedeliber sa tinitirhan ngayon ni Joy at ng dalawa nilang anak.
Nasukol du’n si Joy Reyes, kundi pa raw nito kalampagin si Jomari ay palaging late ang sustento nito sa kanila, kaya malinaw na hindi naman pala sila basta inabandona na lang ni Jomari. Marami pang kuwentong nilinaw si Jomari. Siguro naman ay titigil na si Joy Reyes sa pagsisiwalat ng kanyang mga hinaing sa social media dahil hindi naman pala lahat ng mga sinasabi nito ay kapani-paniwala.