HINDI na kukunin ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water ang P11 bilyon na napanalunan nito sa arbitrary case sa Singapore laban sa gobyerno ng Pilipinas.
Sa pagdinig ng House committee on public accounts sinabi ni Manila Water president Jose Rene Almendras, dating kalihim ng Department of Energy, na hindi na nito hahabuling ang P7.4 bilyon na pinababayaran ng korte ng Singapore sa gobyerno ng Pilipinas dahil sa pagtanggi nito na itaas ang singil sa tubig.
“Hindi na namin hahabulin ang P7.4 billion,” ani Almendras nang tanungin ni AnaKalusugan Rep. Michael Defensor.
Ganito rin ang sinabi ni Ramoncito Fernandez, president at CEO ng Maynilad. Ang Maynilad ay pinababayaran naman ng P3 bilyon ng Permanent Court of Arbitration sa Singapore sa gobyerno ng Pilipinas.
“We reiterate that we agree with what the President wants,” ani Almendras. “We’ve agreed not to go after our historical arbitral award.”
Naghain ng kaso ang Maynilad at Manila Water sa PCA matapos na tumanggi ang gobyerno na magtaas ito ng singil gaya ng napagkasunduan.
Sa pagdinig ay sinabi ni Almendras na susunod din sila sa nais ni Pangulong Duterte na i-review ang concession agreement nito sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System.
Naghain si Cavite Rep. Elpidio Barzaga ng resolusyon upang makapag-imbestiga ang komite kaugnay ng iregularidad umano sa kontrata ng MWSS sa Manila Water at Maynilad.