Andrea Torres tatapusin na ang ‘sumpa’ sa lovelife ni Derek Ramsay
By: Cristy Fermin
- 5 years ago
DEREK RAMSAY AT ANDREA TORRES
Sa lahat ng mga nakarelasyon ni Derek Ramsay ay malakas ang kutob namin na si Andrea Torres na ang maghuhudyat sa pagtatapos ng kanyang pagkabinata.
Matagal humawak ng relasyon ang guwapong aktor, pero sa katagalan ay nauuwi rin ‘yun sa paghihiwalay, hindi ‘yun nagtatapos sa pagharap nila sa altar.
Kailan lang sila nagkakilala ni Andrea, sa ginawa lang nilang serye sa GMA 7, pero sa unang pagkikita pa lang nila ay pareho na silang nakaramdam ng kakaibang magic.
Kuwento ng isang kaibigan ng kanilang pamilya na kaibigan din namin, “Halatadong masaya si Andeng kapag magkasama sila ni Derek.
Ang ibang artista, e, natutuwa kapag napa-pack-up ang taping nila dahil time na ‘yun para makapagpahinga sila, di ba? “Pero kay Andeng, e, nakakalungkot ang hindi nila pagsasama sa taping ni Derek. Ayaw niyang napa-pack-up ang work nila. Nu’n pa lang, alam na namin na may something na talaga sa kanila,” kuwento ng aming kaibigan.
Magkapareho sila ng wavelength, matalino silang pareho, sana’y nadiskubre na sa ngayon ni Derek kung gaano kagaling na writer si Andrea. Sa katatapos lang na surprise birthday party para kay Derek ay nagawang ipunin ni Andeng ang mga taong kukumpleto sa kaligayahan ng kanyang boyfriend.
Naging markado para sa kanilang dalawa ang seryeng The Better Woman. ‘Yun ang nagbukas ng pintuan para magkakilala sila nang lubusan na nauwi nga sa pagmamahalan.
Sana nga ay sa altar na humantong ang kanilang relasyon ngayon, tutal naman ay aminado si Andeng na matagal na niyang ipinagdarasal ang pagkakaroon ng mamahalin, pero hinihintay niya munang dumating ang tamang timing. Ito na ‘yun.