KABILANG si Senator Manny Pacquiao sa mga magtatapos sa kolehiyo at tatanggap ng college degree mula sa University of Makati sa Miyerkules, Disyembre 11.
Ito ang kinumpirma sa INQUIRER.net ng admission office ng unibersidad. Sinabi nito na kumuha si Pacquiao ng Bachelor of Arts in Political Science Major in Local Government Administration.
Noong Setyembre, ibinahagi ni Pacquiao ang isang litrato ng kanyang school ID card, na may caption na: “Never stop learning because life never stops teaching.”
Bago mag-aral sa University of Makati, nag-enrol si Pacquiao sa Notre Dame of Dadiangas University sa General Santos City sa ilalim ng business management program nito noong 2008.
Nakuha ng senador ang kanyang high school diploma noong 2007 at nakapasa sa accreditation and equivalency test sa ilalim ng Alternative Learning System ng Department of Education.