TATAAS ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company ngayong buwan.
Mula sa P9.5579 kada kiloWatt hour noong Nobyembre tataas ito sa P9.8623.kWh ngayong buwan o pagtaas na P0.3044/kWh.
Tumaas ang generation charge ng P0.1650/kWh at mula P5.0317/kWh ay naging P5.1967/kWh.
Ang presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market ay tumaas ng P1.0799/kWh dahil sa laki ng demand ng kuryente sa Luzon. Dalawang beses inilagay sa yellow alert ng Luzon Grid ng National Grid Corporation of the Philippines.
Tumaas din ang presyo mula sa Independent Power Producers ng P0.1106/ kWh at Power Supply Agreements ng P0.0987/kWh dahil sa paghina ng piso kontra dolyar.
Ang transmission charge para sa residential kustomer ay tumaas naman ng P0.0753/kWh gayundin ang buwis at iba pang bayarin (P0.0641/kWh.
Iginiit naman ng Meralco na wala itong dagdag na kita mula sa pagtataas ng generation at transmission charge.