SEA Games: Delarmino, Lampacan double gold sa muay

SUBIC FREEPORT – Giniba nina Phillip Delarmino at Ariel Lee Lampacan ang kani-kanilang mga katunggali upang ibigay sa Pilipinas ang karagdagang dalawang gintong medalya sa 30th Southeast Asian Games’ muaythai competition Linggo sa Subic Bay Exhibition and Convention Center dito.

Umiskor ng unanimous decision ang Iloilo-born na si Delarmino sa 57kg division, 29-28, matapos na takasan si  Long Doan Nguyen ng Vietnam habang pinagpag ng Baguio-native na si Lampacan ang hindi magandang simula para patumbahin si Sakchai Chamchi ng Thailand sa pamamagitan din ng UD (29-28) sa 54kg weight class.

“Di naman kami nagka kumpyansa talaga alam naman namin na yung asian countries na iba malalakas sa muay thai kaya pinaghandaan talaga namin kaya di kami nag pabaya,” sabi ni Delarmino, bronze medalist sa 2018 IFMA World Championship.

Lumabas ito sa kanilang matinding depensa at walang takot na pagsugod sa kalaban.

“Part po ng game plan namin yung take down na kapag lamang na po kami talagang puro depensa na po kami,” dagdag ni Delarmino.

Para kay Lampacan, susi sa panalo ang pakikinig sa kanyang coach matapos na kontrolin ng Thai opponent sa unang rounds one at two bago bumawi sa huling round.

“Nakinig lang po ako sa mga sinasabi ng coach ko na bitawan ko lang po ng bitawan suntok ko kasi dun po kami lalamang kasi kung makikipag sabayan ako sa Thai style sigurado pong siya mananalo kaya buti nalang po sinasabihan ako ng coach ko,” sabi ni Lampacan.

Samantala, talo sa kani-kanilang laban sina Ryan Jakiri, Islay Bomogao, at Jenelyn Olsim na nagkasya lang sa silver medal.

Si Jakiri na lumalaban sa ONE Championship ang may pinakamasaklap na pagkatalo kahit pa kontrolado na niya ang katunggali nang ihinto ng referee ang laban may 1:26 pang natitira sa second round.

Nagresulta ito sa pagkapanalo ni Norapat Khundam ng Thailand sa 63.5kg category. Saktong sakto ang tuhod Thai sa katawan ni  Jakiris na nagpatumba sa Pilipino. Nakatayo agad e 27-year-old mula Zamboanga City subalit itinigil ng referee ang aksyon nang makitang hindi na kayang magpatuloy ni Jakiri.

Sa women’s side, lumuhod si Bomogao kay Ketmanee Chasing ng Thailand sa pamamagitan ng 29-28 decision sa women’s 45kg division habang taob si Olsim kay Bui Yen Ly ng Vietnam sa 54kg class.

Read more...