MARAMI ang nanghuhula na makikipagbakbakan nang bonggang-bongga ang pelikulang “Miracle in Cell No.7” ni Aga Muhlach sa mga itinuturing na mga hari ng taunang Metro Manila Film Festival.
Ayon sa ilang komento ng netizens na nakapanood na ng trailer ng “Miracle” na umabot na nga sa milyun-milyong views ngayon sa social media, hindi imposibleng maungusan nito sa takilya ang mga entry nina Vice Ganda, Vic Sotto at Coco Martin.
At kung sinasabi ng marami na siguradong si Judy Ann Santos na ang maging best actress sa MMFF 2019, nakahanda na raw ang best actor trophy para kay Aga na gumaganap na isang mentally-challenged na tatay sa “Miracle in Cell No. 7” mula sa Viva Films.
Sa nakaraang presscon ng pelikula, nangako ang award-winning actor na magpapa-victory party siya kapag nanalong best actor sa Gabi ng Parangal ng 45th MMFF.
“Oo, magpapa-party ako. Totoo ito, you see, at my age now, parang kung kailan yung feeling mo na patapos ka na, mas maganda yung mga dumarating.
“Masaya, pero ayokong asahan kasi. More than anything, mas masaya ako na maipakita yung pelikula namin na ginawa. Gusto ko talagang mapanood nilang lahat yung pelikula, more than anything,” pahayag ng mister ni Charlene Gonzales.
Ang “Miracle in Cell No. 7” ay remake ng hit Korean movie of the same title na pinagbidahan ng Korean actor na si Ryu Seung Ryong noong 2013. Nu’ng malaman ni Ryong na magkakaroon ng Philippine adaptation ang kanyang movie ay agad siyang nag-post sa Facebook ng, “So touched to know that there will be a Philippine remake.”
Siyempre, nagpasalamat si Aga sa Korean actor at alam n’yo ba na friends na rin sila ngayon? Hindi lang sila basta Facebook friends, “As a matter of fact, we texted each other. Seriously, we’re kind of in constant communication now.
“As a matter of fact, we’re inviting him for the premiere,” ani Aga. Tuwang-tuwa raw ang Korean star at sinabing malaking karangalan para sa kanya ang ma-invite sa premiere night ng Miracle in Cell No. 7. Pero depende pa raw sa schedule ni Ryong ang magiging desisyon niya.
“I even told him, ‘You were an inspiration.’ Kasi yung pelikula niya is not just him or the stars, but yung istorya, father and daughter, hardened criminals, how it changes people, how it changed everyone.
“So, tamang-tama for the festival. Parang sinabi pa niya, ‘I’m gonna help promote your film, even in Korea. Sabi ko, sana mag-showing kami sa Korea. I think we’ll also show in Korea, I think so. International also,” lahad pa ni Aga.
Samantala, magiging family affair din para sa pamilya ni Aga ang MMFF 2019 dahil sigurado nang sasama sa kanya sa Parade of Stars ang asawa niyang si Charlene Gonzalez, at kambal na anak na sina Andres at Atasha.
Sabi ni Aga, tuwing Pasko ay nasa ibang bansa sila pero after 12 years, dito uli sila sa Pilipinas magse-celebrate ng Christmas dahil nga sa “Miracle in Cell No.7” na isa na ngayon sa most favorite movies niya of all time.
Ayon pa sa award-winning actor, isang milagro ang pagkakapili sa kanya para bumida sa “Miracle in Cell No.7”, “Kahit saan ako magpunta, nagkakagulo sila, and lagi nilang sinasabi, ‘Panonoorin namin ito, panonoorin namin, panonoorin namin! So we are all praying na marami ang manood talaga.”