APAW ang kaligayahan ngayon ng mga fans ni Maine Mendoza dahil mapapanood nila ang kanilang idolo ngayong Sabado at Linggo sa magkaibang pasabog na character.
Ngayong gabi, ang character ni Stacy sa sitcom na Daddy’s Gurl ang katutuwaan nila. Sa Linggo naman, gaganap si Meng bilang ballet dancer na si Carol sa Kapuso weekly fantasy series na Daig Kayo Ng Lola Ko.
At dahil nga sa mga nakakaaliw na ginagampanan niyang mga roles sa TV na punumpuno ng mga aral ang kuwento, muling pinarangalan ang Phenomenal Star ng Anak TV bilang Makabata Star ngayong 2019!
“Waaaahhh maraming salamat, Anak TV! 4 years!” ang thank you tweet ni Maine kalakip ang apat na tropeyo na natanggap niya mula sa nasabing award giving body. Inaasahang magtutuluy-tuloy ang swerte at pagdating ng maraming blessings sa buhay ni Maine hanggang 2020.
* * *
Kanya-kanyang paandar ang handog sa publiko ng latest all-female group na Japh Dolls sa kanilang first solo concert na “Japh Dolls Fantasy World”. Gaganapin ito sa Music Museum sa Dec. 9.
Bata, sexy at fresh ang apat na miyembro ng grupo na binubuo nina Riyo Nishijima, Ruri Yamamoto, Rei Minagawa at Risa Murayama.
Nahasa sa mall at corporate shows ang Japh Dolls kaya naman handa na silang sumabak sa concert scene. Plus factor pa ang paghirang sa kanila bilang 2017 Asian Entertainer para sa Most Promising All Female Performing Group sa 29th Asia Pacific Excellence Awards at MMGYA Youth Ambassadors.
Special guests sa concert ang rock band na The Crib, si Kyline Alcantara at si Ai Ai delas Alas. Ang LVQ Entertainment at Savi Productions ang producer ng concert.
* * *