SUBIC BAY FREEPORT – LITERAL na “dream come true” ang kuwento ni Michael Comaling sa 2019 Southeast Asian Games- dilaw na buhok para sa gintong medalya.
Hindi kathang isip bagkus totoo ang panaginip ng 19-anyos na makasusungkit siya ng panalo sa kumpetisyon.
“Kasi two weeks ago nung dito pa kami nagte-training natulog po ako then nag-dream ako na mag-gold ako tapos buhok ko yellow,” sabi ng tubong Ormoc City matapos manguna sa beach triathle event ng modern pentathlon sa Subic Bay Boardwalk dito.
“Blue ‘to dati. After training nagpakulay agad ako,” kuwento pa ng senior high school student na naglaro rin sa Palarong Pambansa para sa Eastern Visayas. “Nagpa-gold po ako ng buhok kaya ‘yun nangyari naman.”
Pinangunahan ni Comaling ang shoot-swim-bike race sa loob 17:08.87 para daigin sina Phurit Yohuang ng Thailand (17:19:83) at Muhamad Taufik ng Indonesia, ayon sa pagkakasunod (17:37:76).
Kailangan ng kalahok na makabaril ng limang beses sampung metro ang layo mula sa target at lumangoy ng 50 metro bago kumpletuhin ang 800 metrong takbuhan.
Hindi hinayaan ng binatilyo na original sport ang swimming na manatiling ilusyon ang gintong medalya matapos na mabigo sa men’s individual beach laser run kahapon.
Natuto mula sa pagkakamali, hindi lang siya basta umasa sa panaginip kundi itinuon ang tingin sa inaasam na pangarap bitbit ang determinasyon at hangaring makapagbigay karangalan sa bayan.
“Actually,kaya namang ipanalo yung laban kahapon pero hindi ako kumain,” aniya. “And I learned my lesson sa mga coach na nag-inspire sa akin na today learn from it forget the past and focus on today, that’s why kumain ako ng marami and ngayon gave me energy to win.”
Sa women’s category, ibinulsa ni 17-year old Filipina Princess Arbilon ang tansong medalya sa oras na 21:29:36. Wagi ang Indonesian na si Dea Putri na may 19:52.73 pagtatala habang pumangalawa si Sanruthai Aransiri ng Thailand sa tiyempong 20:50.97.
Ito na ang ikaapat na medalya ng Pilipinas sa modern pentathlon matapos na magtagumpay si Arbillo at Samuel German sa mixed beach laser run. Napunta rin ang pilak kay German sa men’s individual beach laser run.
Bukas, Dec. 7, magsasara ang sports sa biennial meet kung saan target ng tambalang Comaling-Arbillo na maiuwi ang kampeonato sa mixed relay triathle event.