Matuto tayo sa Singapore | Bandera

Matuto tayo sa Singapore

Ira Panganiban |December 06,2019
facebook
share this

Matuto tayo sa Singapore

Ira Panganiban - December 06, 2019 - 12:28 AM

NAIKOT natin kamakailan ang Singapore, isa sa pinakamaliit ngunit pinakaprogresibong bansa sa buong mundo. Dito ang trapik ay parang sa Maynila rin, at ang dami ng tao kung population to land area ang titingnan ay hindi malayo sa Metro Manila.
Subalit ang pagkakaiba nito sa Maynila ay makikita rito na maayos ang daloy ng trapiko, mahusay ang public transportation at magaling sa zoning system ang buong territory. Sa madaling salita, na-i-plano nang mahusay ang buong Singapore.

Hindi ko na hihilingin na ma-i-plano ng ganito ang Kalakhang Maynila o anumang metropolis sa bansa na nakatayo na. Mahirap nang tibagin ang mga nakatayong gusali at imprastraktura para ayusin ang ating mga siyudad.

Pero sabi nga sa akin ni Glenn Tan, tagapamahala at tagapagmana ng napakalaking Tan Chong Industry na nakabase sa Singapore, may foresight kasi ang mga pinuno ng Singapore.

Sa kanilang subway at train system na lamang, halos tatlong palapag ang lalim ng kanilang subway at ang third level ay hindi pa nagagamit. Bakit humukay ng tatlong palapag kung hindi naman magagamit pa? Dahil inaasahan nila na dadating ang araw na dadami ang tao at kakailanganin ang ikatlong level. Sa ngayon ay dalawang level na ang ginagamit nila.

Ikumpara natin sa MRT natin na noong ginawa ay para lamang sa 200,000 pasahero araw-araw sa kabuuan ng linya mula North Avenue hanggang Taft Avenue. Yung mga platform doon ay ginawa para lamang sa 200,000 katao. Walang foresight, walang plano kung paano na kapag dumoble ang bilang ng populasyon sa Kamaynilaan.

Ngayon, nasa halos 700,000 na ang gumagamit ng MRT3 araw-araw sa rush hour at umaapaw na ang mga tao sa platforms at hagdan papasok sa istasyon. Nakakaawa ang mga sumasakay ng MRT3 dahil sa pagpila pa lang ay nauubos na ang kanilang oras.

Mabuti na lamang at nasimulan na ang rehabilitasyon nito at unti-unti ay nakukumpuni na ang mga luma at sirang bahagi nito.

Ang problema ay ang loading at staging area na hindi kaya ang dami ng sumasakay sa MRT3.

Papaano pa natin aayusin yung passenger platforms ng MRT eh sangkatutak na gusali na ang nakapaligid sa mga loading stations nito, mga gusali na ipinatayo ng mga politikong may mga negosyo?

Sabi sa akin ng mga kaibigan ko sa DOTr, gumagawa sila ng paraan para maging mas dignified ang paghihintay ng tren sa MRT, pero dahil mali na ang basics, medyo mahirap na ayusin.

Tanging pag-asa ng mga commuters ay ang dalawang subway projects na sinimulan na at maaaring magserbisyo ng ilang milyong pasahero araw-araw sa Metro Manila.

Sana naman ay may foresight na rin ang paggawa nito, yung na-compute na ang forecasted growth ng gagamit sa susunod na 20 hanggang 40 taon mula ngayon para hindi na maulit ang eksena sa mga train stations ngayon.

At sana lahat ng ganitong public transport system sa buong bansa ay itayo ng may kaukulang legislated budget para sa maintenance para hindi taon-taon namamalimos para mapanatili silang tumatakbo nang mahusay.

Dahil ang public transport ay hindi dapat revenue point kundi cost center para sa gobyerno dahil ito ay utility para sa public service o serbisyo bunga ng buwis na binabayad ng taumbayan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

***
Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa [email protected] o sa [email protected]. Tagline

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending