Huwag abuso sa pagbibigay | Bandera

Huwag abuso sa pagbibigay

Susan K |December 06,2019
facebook
share this

Huwag abuso sa pagbibigay

Susan K - December 06, 2019 - 12:26 AM
TULOY–tuloy ang pagbibigay-kaalaman ng ating pamahalaan at maging ng pribadong sektor hinggil sa tamang pangangasiwa sa pananalapi ng ating mga OFW.

Madalas na pera kasi ang nagiging dahilan ng maraming problema ng pamilya ngayon. Pero bago pa man umalis ng Pilipinas ang OFW, pera na ang dahilan– ito kadalasan ang nagtulak sa kanila upang umalis ng bansa.

At pag nagkapera na, pera pa rin ang magiging problema. ang dati kasing naghihikahos o dating hirap na hirap sa buhay at biglang tatanggap ng dolyar, malaki pa ang palitan sa piso, kung kaya’t mabibigla ito at sabik na sabik na gagastusin ang salaping natanggap.

May mga pamilyang naka-schedule ang pagpunta sa mga mall buwan-buwan at itinitiyempo iyon sa araw ng pagtanggap ng kanilang remittance (kung landbased ang OFW) o di kaya ng kanilang mga allotment (kung seabased ang OFW).

Kung ganyan, isa ang natitiyak natin: ang perang padala ng OFW ay tiyak na bawas na pag uwi nila ng bahay. Kasi bago pa man dumating ang araw na iyon, nakalista na ang mga bagay na gusto nilang bilihin. Bawat miyembro ng pamilya, hindi pupuwedeng uuwi ng walang na-shopping.

May ilang kapamilya na nagsasabi ng mga gastusing ito sa kanilang mga kaanak na OFW. Pero may mga kapamilya ding itinatago na lamang ito sa OFW upang hindi na sumama pa ang loob nito at kahit paano, inaabot din siguro ng hiya sa OFW.

Ang madalas na paghingi sa OFW ang kadalasang nagiging problema din ng ating kabayan sa abroad.

Siyempre, mabigat din naman sa loob ng OFW na hindi mapagbigyan ang bawat kahilingan ng kapamilya kaya kahit wala nang maibibigay, gagawa at gagawa sila ng paraan upang makapagpadala lamang sa bawat hingin ng kapamilya.

Naroong mangugutang ito sa kapwa OFW, o di kaya maglo-loan kahit malaki ang interes. May ilan naman na isasangla pa ang kanilang passport.

Kaya naman ito rin ang nagiging dahilan ng matinding kalungkutan at depression ng ating mga OFW, na sa bandang huli, ay maaaring magresulta pa nga sa kanilang pagpapakamatay.

Sa katatapos na Basic Financial Literacy Course program sa Card Hongkong Foundation, nagpaalala si Consul Raly Tejada mula sa Konsulado ng Pilipinas sa HK, na hindi dapat pagbigyan ang lahat ng hiling ng kamag-anak ng mga OFW.

Sabi pa ni Tejada, hindi naman tumutubo sa puno ang pera at lalo na sa Hongkong. Dinudugo, pinagpapawisan, nagkakasugat-sugat ang ating mga OFW upang kumita lamang ng pera.

Kaya naman, hinihimok ni Tejada na maging matalino sa paggasta ang ating mga OFW, at pag-isipan ng husto ang bawat pagdedesisyon sa paggasta.

Sa mga nangyayaring kaguluhan sa iba’t-ibang panig ng mundo, mas mabuting handa silang umuwi ng Pilipinas na may ipon, kaysa walang kapera-pera, na siyang dahilan minsan, kung bakit takot silang bumalik ng bansa dahil hindi nila alam kung papaanong makapagsisimula muli.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending