KAHIT may maayos at bagong sapatos na magagamit, pinili ni Efraim Iñigo na isuot ang lumang sapatos na nabili sa ukay-ukay.
Para sa kanya, ito ang nagsisilbing lucky charm sa tuwing sasabak sa kumpetisyon.
“Marami pong sumuporta sa akin nagbigay ng ibat-ibang sapatos galing sa LGU (local government unit) at sa national team pero ito yung lagi kong ginagamit sa lahat ng competition ko,” sabi ng 25-anyos na tubong Ilocos. “Kumbaga ito yung gamay ko.”
Hindi man naiuwi ang gintong medalya sa duathlon mixed relay, malaking tagumpay na para kay Iñigo na maibulsa ang bronze medal sa duathlon mixed relay event Huwebes ng umaga sa Subic Bay Boardwalk.
Binaybay niya ang run-bike-run race kasama sina duathlon queen Monica Torres na nag-uwi ng ginto sa women’s individual event, Pawee Fornea at Doy Comendador sa loob ng isang oras, 31 minuto at 35 segundo. Inuwi ng Thailand ang ginto habang napunta sa Singapore ang pilak.
“Masaya po kasi nakikipagsabayan ako sa kanila at kahit baguhan pa lang ako sa team nagkaroon ako ng pagkakataon na mairepresenta ang bansa,” sabi ng full-time runner na pitong taon nang tumatakbo.
Kuwento ni Iñigo sa Inquirer Bandera, dalawang taon na niyang ginagamit ang second hand na running shoes buhat sa naipong pera mula sa mga sinasalihang fun run. Para tumibay, ipinatahi pa niya ang swelas para hindi ito matanggal sa pagkakadikit.
Ang kakulangan sa pera noon ang nagtulak sa kanya na dumiskarte ng mura pero matibay na sapatos na maisusuot sa training at running competitions.
“Binili ko lang po ito sa ukay-ukay nagustuhan ko maganda siya sa paa at kumportable,” aniya. “Dati kasi ‘di ko pa kaya bumili ng brand new kasi walang sapat na pera.”
Kaya ginalingan pa at nagpursigi ng husto ang dating Palarong Pambansa pole vaulter na nagtapos ng pag-aaral sa University of Northern Philippines hanggang sa matanggap siya sa national team noong 2017.
Kung hanggang kailan magiging kaagapay ang ukay-ukay shoes sa bawat takbo, ang sagot in Iñigo: “Malaki na ‘yung pinagsamahan namin sa mga laro kaya ‘di ko to basta basta iiwan.”
“Hanggang ok pa siya, pwede ko pa gamitin.”