Janitor noon, SEA Games champion ngayon
MULA sa pagiging janitor sa bike shop ng kanyang coach, siya ngayon ay isa nang Southeast Asian Games champion.
Parang fairy tale ang mala-Cinderella story ni John “Rambo” Chicano, ang unang atletang nagbigay ng gintong medalya sa Pilipinas sa 2019 SEA Games.
Sinalubong ng mahigpit na yakap at matamis na halik ng kanyang babaeng anak ang 28-anyos na tubong Olongapo sa pagtatapos ng triathlon race.
Wala ring pagsidlan ang tuwa ng kanyang buong pamilya na naghintay sa kanya sa finish line.
Inalala rin ng kanyang amang si Ramsey ang mga araw na magkasama sila ng anak sa laot para humanap ng kanilang makakain. Hindi niya lubos akalain na darating ang araw na mararating ng anak ang ganitong klaseng tagumpay.
“Kapag nangingisda ako, nanghuhuli ako ng pangkain din namin kasi mahirap lang kami. Sumasama siya sa akin, nanghuhuli kami sa gabi,” sabi ng ama na siyang unang nakakita sa potensyal ng anak sa matinding sport na triathlon.
Mainit noong umagang naging pinakabagong sports hero ng bansa si Chicano, pero mas mainit ang pagtanggap ng mga kababayang Pinoy na matiyagang naghintay at sumigaw ng kanyang pangalan sa ilalim ng araw.
Tinapos ni Chicano ang 1.5-km swim, 40-km bike at 10-km run race sa loob ng 1:53:26 para muling tanghalin ang Pilipinas na kampeon ng triathlon sa regional sports fest sa ikatlong suod na beses. Naitala rin niya ang bagong SEA Games record matapos ang makasaysayang araw ng kanyang buhay-atleta.
“Lahat sobrang saya, sobrang blessed, nagpapasalamat ako sa Panginoon. Maraming salamat sa lahat ng Pilipino para sa inyo ito,” sabi ni Chicano na nagsimulang mag-training gamit ang bisikletang bakal na nagkakahalaga ng P300.
Nakaabang ang P600,000 na pabuya sa para kay Chicano na naging padre de pamilya sa murang edad. Ang responsibilidad ang nagtulak sa kanya para magtrabaho sa tindahan ni coach Melvin Fausto at magsumikap pang lalo sa sports na kanyang kinahihiligan. Muling mabibiyayaan ng anghel ang kampeon dahil sa ngayon ay buntis ang kanyang asawa.
At ito ang nagdadagdag ng inspirasyon para abutin pa ang mga pangarap para sa pamilya at para sa sarili. “Syempre para sa pamilya ko lalo na magkaka baby ako,” tugon ni Chicano nang tanungin kung saan mapupunta ang makukuhang insentibo mula sa gobyerno. “Para sa kanila ito.”
Sunod na tinatarget ng triathlon king ang korona sa Asian Championships sa Abril 2020.
Para maabot ito, aniya, sipag at tiyaga sa ensayo ang susi. “Tuloy tuloy ang training walang offseason,” ani Chicano. Kung dati ay tahimik lang naglalampaso lang ng sahig at sulok, ngayon ay sentro na ng atensyon ang triathlon champion.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.