Dapat lang namang parangalang pilantropo si Angel Locsin dahil sa tahimik niyang pagtulong sa mga kababayan nating nangangailangan ng mapagpalang kamay para muli silang makapagsimula mula sa sobrang pagkadapa.
Isa si Angel sa mga personalidad mula sa Asia na pinahalagahan ng Forbes Magazine, mula sa isang malalimang proseso ng pagsasaliksik ay lumutang ang pangalan ng aktres sa mga ginagawa niyang pag-ayuda sa mga nagiging biktima nang walang kaingay-ingay.
Ganu’n ang mga pilantropo, palihim silang kumikilos, tapos na ang lahat ng kabutihang ginagawa nila bago pa malaman ng buong bayan ang kabutihan ng kanilang puso.
Maraming artistang tumutulong din sa ating mga kababayan, pero kakaiba si Angel Locsin, sinsero ang kanyang pagtulong dahil wala siyang kasunod na mga camera sa pagpapalutang ng kanyang kabutihan.
Isang araw ay malalaman na lang natin na may sariling foundation na pala si Angel Locsin. Pinapalakpakan ang tulad niyang hindi ipinagbabanduhan sa buong mundo ang kanyang kabutihan.