KAHIT pagod sa sunud-sunod na meetings, dumalo pa rin si GMA President and Chief Executive Officer Atty. Felipe Gozon sa Paskong Kapuso 2019 para sa entertainment media nu’ng Martes sa Studio 6 ng GMA Annex.
Panimula ni Atty. Gozon sa kanyang mensahe para sa members ng media, wala siyang prepared na speech. Biro niya, “Kaya humanda kayo at matagal ang aking speech.
“Hindi ba ganyan ang Presidente natin (Pangulong Rodrigo Duterte)? Kapag nagsalita siya na walang prepared (speech), inaabot minsan ng isa o dalawang oras. Komo hindi ako presidente, iiklian ko na lang,” rason ni FLG.
Nagpasalamat ang GMA boss sa mga miyembro ng media na dumalo sa yearly Christmas party ng GMA dahil nakarating ang mga ito kahit nananalanta ang bagyong Tisoy.
Pero nagpasalamat din si Atty. Gozon sa malakas na ulan dahil nadagdagan ang tubig sa Angat Dam. Nabanggit din niya ang on-going constructions sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Ibinigay pa niyang halimbawa ang hindi matapus-tapos na elevator sa GMA building.
“Pilipino tayo so I can say this. Wala pa akong nakitang kontrata o contractor na natapos sa takdang panahon. Wala, wala talaga!
“Ultimo ‘yung elevator namin. Elevator lang ‘yon. Ilang buwan nang delayed ‘yon. Kaya sa buwisit ko, inanuhan ko ng penalty. Elevator lang. Bibigyan ka ng timetable, hindi yayariin.
“Well, Pasko ngayon. Gusto ko lang ilabas ‘yung bulilyaso natin. Mga Pilipino naman tayo, eh. Dapat talaga magbago na!
“Pero talagang nagpapasalamat ako sa inyong lahat. Sa mga tulong na ibibinigay ninyo sa amin! At gusto naming ibigay sa inyo na you are well appreciated!” pahayag ni Atty. Gozon.
Sa totoo lang, habang nagkakasayahan sa Christmas party ng GMA, kumalat naman sa social media ang bahagi ng isang speech ni Pangulong Duterte tungkol sa mag-e-expire na franchise ng Channel 2. Quoted si PDigong sa kanyang statement na, “I will see to it that you are out!”
Tumanggi namang magbigay pa ng pahayag tungkol dito si Atty. Gozon at ibang executives ng network na dumalo sa party.