INIREKOMENDA ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang palawigin pa ang martial law sa Mindanao oras na mapaso ito sa Disyembre 31.
Ibinase ang rekomendasyon sa assessment ng Armed Forces at National Police, at isinumite sa Malacanang ngayong Miyerkules, sabi ni Lorenzana sa isang kalatas.
“Our security forces have determined that the purpose of implementing martial law has been attained and the prevailing conditions in the whole of Mindanao as well as the islands of Basilan, Sulu, and Tawi-tawi have greatly improved since the defeat of the Maute fighters in October 2017,” aniya.
Ayon sa defense chief, naniniwala ang AFP na di na kayang maglunsad ng ISIS-backed na Maute group at iba pang armadong grupo ng pag-atake gaya ng ginawa sa Marawi City dahil kumainti na ang kanilang mga tauhan at armas.
“We’ve also made significant strides in combating insurgency, with three guerilla fronts and three Pulang Bagani Command cleared and dismantled, respectively,” ani Lorenzana, patukoy sa mga unit ng komunistang New People’s Army.
Sa isang press forum, inihayag ni Lorenzana na nais niya na ring mag-“back to normal” ang Mindanao upang makaakit ito ng mas marami pang investor.
“There was this big investor from Japan who was about to put up a steel mill but they pulled out,” aniya.
Ayon kay Lorenzana, ilang bansa na rin ang nagpahayag ng pagkabahala sa batas militar na mahigit dalawang taon nang ipinapatupad sa Mindanao.
“I believe there are so much concern from other countries because of the term martial law, even if our martial law in Mindanao was so mild… they are comparing the martial law now to the martial law during the 70s. There is a big difference.”
Iginiit ni Lorenzana na may mga tao pa nga sa Mindanao hindi alintana ang martial law.
Unang idineklara ni Pangulong Duterte ang martial law sa Mindanao noong Mayo 23, 2017 dahil sa pagsalakay ng Maute group sa Marawi City, Lanao del Sur.
Balak umano noon ng mga lokal na Islamic militant at mga kasama nilang banyaga na magtayo ng Southeast Asian “caliphate” na nakasentro sa Marawi.
Pinalawig ng Pangulo ang martial law Hulyo ng taong iyon at kasunod nito’y idineklara ng mga tropa ng pamahalaan noong Oktubre na nagapi na ang mga sumalakay.
Sa kabila nito’y pinalawig pa rin ang martial law noong Disyembre 2017 at Disyembre 2018.
Matatandaan na daan-daang tao ang inutos na dakpin sa kasagsagan ng mga extension, para umano tuluyan nang mawakasan ang “rebelyon” sa Mindanao.