HINDI na matatalakay ang prangkisa ng ABS-CBN 2 ngayong taon, ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano.
Pero mayroon pa umanong sapat na panahon sa susunod na taon upang talakayin ng Kamara de Representantes ang prangkisa na mapapaso sa Marso 30.
“I reiterate that Congress would be fair, will always have a fair hearing. Alam naman ito din ng management ng ABS-CBN na uunahin namin ang budget at tsaka mga revenue bills,” ani Cayetano.
Hanggang Disyembre 20 lang ang sesyon ng Kongreso ngayong taon at muling magbubukas sa Enero 19.
“Pero we have more than enough time to tackle it in January, February dahil March pa naman ‘yung expiration ng franchise,” ani Cayetano.
Hindi naman matiyak ni Cayetano kung ano ang magiging resulta ng pagdinig ng House committee on franchise na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz Alvarez.
“Depende sa kalalabasan ng hearing. I cannot preempt the committee or the issues that will be taken,” dagdag pa ni Cayetano.
Nauna ng sinabi ni Pangulong Duterte na hindi nito hahayaang ma-renew ang prangkisa ang ABS-CBN.
“As you know he’s the president at meron syang stand sa mga issues so nirerespeto natin yan. Having said that nirerepeto rin ng ating pangulo yung proseso so hintayin na lang natin yung proseso na yun but even the president admits that there has to be a fair process,” dagdag pa ni Cayetano.