Malayo man ang OFW, lapitin pa rin ng problema | Bandera

Malayo man ang OFW, lapitin pa rin ng problema

Susan K |December 04,2019
facebook
share this

Malayo man ang OFW, lapitin pa rin ng problema

Susan K - December 04, 2019 - 01:10 AM
TILA wala na yatang direksyon ang buhay ng tao ngayon.

Napabalitang isang 45-anyos na Pinay OFW ang nagpakamatay sa HongKong dahil sa hindi na nito nakayanan ang problema sa pamilya.

Isa lamang siya sa napakaraming mga nagpapakamatay at dumaranas ng matinding problema at depresyon sa buhay. Kahit pilit na pinaglalabanan, marami ang tahimik na lamang at solong hinaharap ang matinding kalungkutan at problema sa buhay.

Kung iisipan, napakalayo na sana nila sa kanilang pamilya. Ngunit hindi iyon sapat na dahilan para matakasan nila ang kanilang mga problema.

Ito rin naman ang negatibong epekto ng teknolohiya ngayon. Palibhasa’y napakabilis magpaabot ng balita ang kapamilya ng OFW, kung kaya’t ilang segundo pa lamang, naka-text na ito. Minsan hindi pa makuntento, may photo message pa.

Hindi na rin kasi naiisip ng nagpapadala ng mensahe kung ano ang maaaring epekto nito sa OFW. Ang sa kanya, basta maiparating ang balita at kung ano ang kanyang nararamdaman. Lalo pa kung nagagalit pa ito. Alam naman nating kapag may halong emosyon na, hindi na ito nakakapag-isip nang tama at wala ng katuturan ang susunod niyang mga hakbang.

Ang OFW naman, saan mang bahagi ng mundo, palaging may pananabik na makatanggap ng anumang mensahe mula sa mga mahal sa buhay. Kaya nga lamang, hindi lahat masasayang balita, may mga malulungkot, nangongonsensya at nagpapahirap pa nga sa kanilang mga kalooban.

Sa kabilang banda naman, maaaring ganoon din ang nadarama ng kapamilyang nangungulila. Wala siyang mapagsabihan ng problema at mga nararamdaman, kaya naman, pipiliin na lamang nitong magpadala ng mensahe sa kapamilyang OFW.

Hanggang kailan nila haharapin ang ganitong siklo na resulta ng pag-aabroad? Hindi kasi solusyon at hindi kayang takpan ng malaking kinikita o malaking halaga ng salaping ipinapadala sa kapamilya ang matinding depresyon at problema sa buhay.

Totoong-totoo ito. Malayo man, pero ang problema palaging katabi lamang nila. Pareho sa panig ng OFW at kapamilyang naiiwan.

Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending