Carmina nagsuot ng red panty, nagbaon ng luya para pangontra sa bad spirit

Eksena sa Sunod

SA ginanap na mediacon ng pelikulang “Sunod” na entry ng Ten17P at Globe Studios sa 2019 Metro Manila Film Festival, inamin ni Carmina Villaroel na noong matanggap niya ang script ay agad niya itong nagustuhan.

“Right away I like the script although matatakutin ako but I wanna do something different at matagal na akong hindi gumagawa ng horror film, so ito na ‘yung pagkakataon,” sabi ng aktres.

Nabanggit naman ng direktor ng “Sunod” na si Carlo Ledesma na noong ialok sa kanya ang pelikula ay talagang target nang mapasama ito sa 2019 MMFF at
nu’ng ianunsyo nga ang naunang apat na pelikula kasama ang “(K)Ampon” ni Kris Aquino ay hindi naman sumama ang loob niya. Pero sobrang saya naman niya pati ang producers ng pelikula na sina Paul Soriano at Quark Henares nang sinabing sila ang kapalit matapos ma-disqualify ang pelikula ni Tetay.

Samantala, nilinaw naman ni Carmina sa presscon ng “Sunod” na hindi siya umalis sa isa pang horror movie na hindi rin nakapasok sa MMFF, ang “The Heiress” ni Maricel Soriano mula sa Regal Films, “Yung kay ate Marya naman, nag-storycon kami, ako si ate Marya at si Janella (Salvador). Tapos bigla na lang ganu’n (nawala siya) I think it’s just a misunderstanding. Kasi nag-storycon na kami, na-interview na kami and we were about to shoot tapos biglang hindi na (natuloy) na ang weird, di ba?

“Di ba bago ka tawagan, bago ka alukin dapat alam mo na ‘yung mga bagay-bagay. Pero it happened. ‘Yung TF yata ang hindi pinagkaintindihan. Sayang naman kasi I’m looking to it na, gusto ko uling makatrabaho si ate Marya at first time ko with Janella, ang tagal ko na ring hindi gumagawa sa Regal, but no hard feelings. Like I said, it happens,” paliwanag ni Carmina.

“Kung minsan talaga big part ‘yun sa artista kasi tatanungin ka, kukunin lahat ng schedules mo, tapos bigla na lang mapapanood mo, ‘ay hindi na ako? Anong nangyari?’ ‘Yung minsan hindi nakakasama ang loob. Ang akin lang sana bago iniharap sa press (interview) sana nagkasundo na sa lahat. Kasi okay lang mag-storycon without the press, e, kaya nakakahiya, pero sa akin walang dapat ikahiya kasi hindi naman ako ‘yung umalis.”

Baka sadyang hindi napasama si Carmina sa “The Heiress” dahil nakapasok naman sa MMFF ang “Sunod”.

Natanong din ang aktres kung ano ang experience niya habang sinu-shoot ang “Sunod” kung saan gumaganap siyang call center agent, “The experience is eerie, nakakakilabot! Sabi ko nga, nabasa ko na ‘yung script, alam ko naman ‘yung mangyayari, nakakatakot pa rin kasi pag pumupunta kami sa mga location, ‘yung cinematography ang galing, ‘yung ilaw, damang-dama mo na, natatakot ka.”

Habang sinu-shoot nila ang “Sunod” ay may na-experience raw sina Mina at direk Carlo, “Na-experience namin ni direk sa QI, it’s 12 midnight, nagputukan ‘yung mga ilaw namin sabi ko baka nainitan na, pumutok na. Pero siyempre kapag gumagawa ka na ng mga ganitong movie, parang pinapaalis na kami kasi baka naingayan na sa amin,” saad pa niya.

Dagdag pa ni direk Carlo, “At 3 a.m. may bumagsak namang mga ceiling tiles. Tapos ‘yung AD (assistant director) namin na may 3rd eye, sabi nila, ‘direk pack-up na po tayo kasi nagagalit na sila.’ Sabi ko, ‘sinong sila?’ Basta raw. So, basically after we packed-up, from then on, wala na. Eksakto to ha, kasi inorasan ko talaga, 12 midnight and 3 a.m..”

Natatawa pang kuwento ni Carmina, “Everytime we shoot po, nilalagyan kami ng luya sa pocket to drive away evil spirits para hindi sumama sa amin. E, ako pa naman matatakutin at may past experiences ako na sinusundan talaga ako at saka naka-red underwear ako kasi sabi nila, wear something red. Kaya everytime nagsu-shoot ako, naka-red underwear ako. Saka pag-uwi mo, magpagpag ka ng salt. Kaya todo-todo na, may luya, may red undwear at may asin pa.”

Read more...