ANG lupit din naman pala talaga nitong isang kongresista na ngayon ay nasa ikalawang termino na bilang mambabatas.
Masipag magpadala ng mga press release o PR itong si congressman kaya naman kapag walang istorya ay pinapatos na ng mga reporter ng Congress ang kanyang istorya kahit pa minsan ay wala sa tono.
Minsan, mukhang may kalaban na nais na yanigin itong si Congressman. At ang kanyang ginawa, naglabas ito ng PR.
Ang masama lang, pumalag ang kalaban nang lumabas ang istorya ni congressman. Kaya hayun si cong ang nayanig—biglang nag-deny na sa kanya galing ang istorya!
Ang kapal ng mukha nitong congressman na to. Nagamit na nga ang media, nakuha pang mag-deny.
Ni-thank you di makapagsabi ang congressman na ito tapos nakuha pang mang-iwan sa ere kapag nagkagipitan na.
Langya ka naman boss. Kaya Thank You na lang sa mga press release mo. At salamat na rin sa pagsagot mo sa text sa isa sa 20 tanong sa iyo.
Pinapasabi nga pala ni boss Dennis Gadil na bukas na ang ‘Daily Barbers’ sa second floor ng StarMall sa San Jose del Monte, Bulacan. Kaya ‘yung mga naghihintay sa mga nanonood ng sine, magpagupit na muna.
Ano ba naman itong nangyayari sa Cagayan de Oro?
Nung una tinamaan ng bala sa dibdib ang kanilang dating kongresista na si Benjo Benaldo. Nag-deny siya na nagtangka siyang magpakamatay pero hindi niya pa naipapaliwanag kung paano siya tinamaan ng bala.
Tapos nitong weekend ay nagulantang tayo ng balita na may sumabog. Ipinalinis pa kaagad ‘yung crime scene. Ano bang nangyayari sa CDO?
Mukhang mabigat-bigat ngayon ang Visayan bloc sa Kamara. Binuo ng mga kongresista ang kanilang grupo para masiguro na maririnig ang kanilang boses.
Alam mo naman sa demokrasya, ang mas may malakas na boses ang mananaig.
Pinangunahan nina Iloilo Rep. Jerry Trenas at Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez ang grupo. Kasali din dyan si Eastern Samar Rep. Ben Evardone.
Wish nila na mapalakas ang turismo sa Kabisayaan upang makahakot ito ng kita.
Sana magkatotoo ang plano nilang mas maayos, mabilis at ligtas na transportasyon papunta sa mga tourist spot. Hindi lang mga turista ang matutulungan n’yo, kung mangyayari ‘yan, kundi pati ang mga botante n’yo.
Sila na kaya ang tatapat sa noon (o hanggang ngayon) na sikat na sikat na tawag na “Solid North?”
Sinabi ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao na may plano siyang tumakbo sa pagkapangulo.
Bago makatakbo kailangan ang isang kandidato ay 40-anyos na. Kung ang kuwalipikasyon na ito ang titingnan, mukhang malabo pa si Pacquiao na makatakbo sa 2016.
Si Pacquiao ay ipinanganak noong Disyembre 17, 1978.
Kung tatakbo siya, maaari lamang niya itong magawa sa presidential election ng 2022. Wala naman kasing eleksyon sa pagkapangulo sa pagitan ng 2016 at 2022 (anim na taon ang termino ng pangulo).
Ang tanong sikat pa kaya si Pacquiao sa 2022?