APLIKANTE patungong Kuwait si Amancia Calvo bilang hospital cleaner.
Dati nang cleaner din ngunit ngayon ay supervisor na ang recruiter ni Amancia.
Nasa P29,400 ang kabuuang halagang hinihingi niya bilang placement fee. Direct hiring daw ang proseso ng kanilang pagkuha ng mga OFW sa Pilipinas.
Nagpadala na si Amancia ng halagang P14,700 noong May 26, 2013. Halos dalawang buwan siyang naghintay sa kanyang visa pero walang naipadala sa kanya mula sa Kuwait.
Ayon sa kanyang recruiter, di maibibigay ang visa hangga’t di kumpleto ang kabuuang P29,400.
Sa kagustuhan ni Amancia na makaalis na, nakiusap pa itong idaan na lamang sa salary deduction ang kalahati ng kaniyang placement fee dahil wala na umano siyang makukunan ng halagang ibabayad.
Bukod pa sa P29,400, kailangan pa nilang mag-produce ng halagang P66,000 para naman sa processing at plane ticket patungong Kuwait.
Walang agency na ginagamit ang grupong ito sa Pilipinas at may tao lamang na siyang pinagpapadalhan ng visa para sa kanilang mga recruits at iyon ding taong iyon ang siyang kumokontak sa kanila upang makapagpa-medical at nangangakong bahala na sa kanilang mga dokumento.
Pinaniwala si Amancia na marami na raw napaalis ang kanilang recruiter na direkta sa Kuwait ngunit marami din ang umuurong dahil sa kulang-kulang na P100,000 fee.
Nang makausap namin mula sa Kuwait ang recruiter ni Amancia, nagalit ito sa kanya at bakit pa raw ito nagsumbong at bakit sila ginaganoon? Sa tono ng pananalita nito, alam niyang may mali sa kanilang ginagawa kung kaya’t nagulat pa ito nang malamang nakapagsumbong na sa Bantay OCW si Amancia.
May iregularidad sa prosesong ito. Sabi nila marami na silang napaalis ngunit paano ito nagpo-proseso sa POEA kung walang lokal na ahensiyang ginagamit dito? At bakit sobra-sobra ang sinisingil ng grupong ito—P100,000 para lang makapagtrabaho bilang cleaner sa isang hospital?
Kinakailangang makarating kaagad ang reklamong ito kay Administrator Hans Leo Cacdac ng POEA at makapagpaimbestiga ang ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Kuwait upang alamin ang modus operandi ng grupong ito.
Isang liham mula kay Elisea Napoles ang natanggap ng Bantay OCW. Kasalukuyang nakakulong si Napoles sa Correctional Institution For Women sa Mandaluyong City.
Nakikiusap siyang tulungan ng Bantay OCW hinggil sa sustentong hindi niya natatanggap mula sa asawang seaman. Walong taon na siyang nakakulong, at sa buong panahong iyon, hanggang ngayon ay di nagparamdam ang kanyang mister. May apat silang mga anak at mga apo na rin.
Nalaman niyang may ibang kinakasama na pala ang asawa at may dalawang anak na ito bago pa makasama ang mister.
Tanong ni Elisea kung may karapatan pa ba siyang maghabol para sa sustento ng kanyang mga anak lalo pa sa loob ng walong taon na pinabayaan sila ni mister.
Hinihiling namin kay Elisea na magpadala ng kumpletong detalye hinggil sa kanyang mister na siyang makakatulong para masimulan ng Bantay OCW ang tulong na hinahangad ng ating kabayan
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm.
Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com