DI bababa sa 69,335 katao sa Bicol, Calabarzon, at Eastern Visayas ang nagsilikas bago ang inaasahang pagtama sa lupa ng bagyong “Tisoy,” ayon sa mga awtoridad.
Nasa 69,217 katao na ang nakikisilong sa mga evacuation center at bahay ng mga kaanak sa Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate, at Sorsogon, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Bicol.
Una dito, inatasan ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga lokal na awtoridad na ilikas ang mga residente sa “high risk areas” Lunes, dahil sa Bicol inaasahan ang kalakasan ng bagyo.
Taglay ni “Tisoy” ang hanging 150kph at bugsong aabot sa 185kph oras na mag-landfall ito sa Catanduanes o Albay, Lunes ng gabi o Martes ng umaga, ayon sa OCD-Bicol.
Patuloy pa ang pre-emptive evacuation sa iba-ibang bahagi ng Bicol habang isinusulat ang istoryang ito.
Sa katabing lalawigan ng Quezon, may 63 pamilya na sa mga coastal town na General Luna at Infanta ang nagsilikas, ayon naman sa OCD-Calabarzon.
Nagsilikas na rin ang di bababa sa 34 katao sa Catarman, Northern Samar, at Babatngon, Leyte, ayon sa hiwalay na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Samantala, inulat ng Coast Guard na 5,327 pasahero na ang stranded sa mga pantalan sa Southern Tagalog, Western Visayas, Bicol, at Eastern Visayas, dahil suspendido na ang mga biyaheng dagat.
Sinuspende ang operasyon ng 1,030 rolling cargo, 51 motorbanca, at 45 pang sasakyang pandagat, habang 125 pang vessel at 19 motorbanca ang nakasilong dahil sa masamang panahon, ayon sa Coast Guard.
Inabisuhan ng ahensiya ang mga taong pupunta sa Boracay Island ng Aklan na kanselado ang biyahe ng lahat ng roll-on, roll-off vessels na patungo at paalis ng Caticlan.
Maaari lang maglayag umaga hanggang hapon ng Lunes ang mga motorbanca na may biyaheng Caticlan-Cagban Jetty Port, ayon sa Coast Guard.
“We are on heightened alert. We also suspended all maritime activities to include recreational activities in all areas with storm warning signals,” ani Coast Guard spokesman Capt. Armand Balilo.
Ayon sa NDRRMC, suspendido na ang klase sa 373 bayan at lungsod sa Bicol, Eastern Visayas, Calabarzon, MIMAROPA, at Metro Manila dahil sa bagyo.
Sinuspende rin ang trabaho sa maraming bahagi ng Bicol at Eastern Visayas, maliban sa mga ahanesiyang reresponde sa mga insidente sa kasagsagan ng bagyo.