SUBIC BAY BOARDWALK- Ibinulsa ng Pinoy na si Joey Delos Reyes ang pilak na medalya sa duathlon event ng 2019 Southeast Asian Games Lunes ng umaga dito.
Hinablot ni Jauhari Johan ang ginto nang tapusin ang karera sa oras na 1:52:51 habang pumangalawa si Delos Reyes (1:53:04) na isang pikit ng mata lang ang pagitan sa pumangatlong si Nattawut Srinate (1:53:05).
Ito ang unang sabak ng 31-anyos Filipino elite sa biennial meet. Ngayong taon lang din siya nakapasok sa national team matapos na makamit ang mga kinakailangang puntos sa qualifiers.
“Nahirapan po talaga ako sa last run po,” sabi ni Delos Reyes na matagumpay na natapos ang 10-40-5 km run-bike-run course.
“Grabe po talaga tiis ko nun naradaman ko po na po yung cramps tiniis ko lang kapag nakakarinig po ako ng cheer ng mga pilipino ginaganahan ako. Pinipilit ko po talaga kailangan di po mawala sa top 3,” aniya pa.