FOR the books ang first ever movie ng komedyanteng si Ariel Villasanta kasama ang longtime friend niyang si Maverick Relova na pinamagatang “The Kings of Reality Shows: The Untold Story” na palabas na ngayon sa mga sinehan.
Ten years in the making kasi ang movie na dinaig pa yata ang “Ten Commandments” sa tagal ng production. Pero ‘di lang pawis at pera ang pinuhunan ni Ariel para mabuo at matapos na ang pelikula, “Hay naku masayang-masaya talaga ako na, nu’ng una kinakabahan talaga ako na baka hindi magustuhan. Pero, masayang-masayang ako sa pelikulang ‘to.
“Pwede nang ilagay sa library ‘to kasi, unang-una, first reality movie sa atin. Tapos first time din ni Presidente Duterte na lumabas sa pelikula. Hindi po biro ‘yun,” pahayag ni Ariel nu’ng makausap namin after ng special screening ng movie sa UP Film Center. Ang “The Kings of Reality Shows” ang kauna-unahang pelikula na nilabasan ng Pangulo kasama pa ang anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte.
Isang taon niyang kinumbinsi at sinubukang makausap si President Digong. In fact, dalawang beses pa iyang nagpunta sa Davao City, “Nagpatulong ako kay Bong Go. Ngayon, talagang bigay ng Diyos ‘to. Sabi nga ni Sen. Go, “‘Swerte ka’ Kasi pagkatapos itong i-shoot, sa Davao na siya, mag-work from home. ‘Di ba nag-work from home siya? So, talagang timing lang, kaya naisama.”
Nagpunta talaga siya sa Malacañang pero hindi ang kamera niya ang ginamit sa pagkuha sa pagtatagpo nila ni Pangulong Digong, “Pati edit, sa kanila. Hindi pwede. Kasi, kahit pala gusto ng Presidente, ‘pag ayaw ng protocol, ‘yun ang nag-aalaga sa ano, e. ‘Pag ayaw noon, kaya ako, buti nga nailabas sa pelikula namin. Kaya nagpasalamat talaga ako.”
Mabuti nga raw at nakasingit pa siya na makausap si Presidente. Namimili na raw kasi ng nilalabasan ngayon ang Pangulo, “Kaya napakaswerte ko talaga. At least, parang maysakit lang siya ng konti. Tapos isa pa, hindi biro ‘yun. Kahit sabihin mo gustung-gusto na ni ganito ‘pag ayaw ng ‘Protocol,’ hindi pwede.”
Dagdag pa ni Maverick, “Kinse minutos kami nag-usap, e. Ang ganda sana, kaso, may mga sinabi pa nga akong ano…sabi ko, we have in common, parehong line of seven po ang grade natin nu’ng araw. May 68 pa nga ako. Sabi niya, ‘Ako, 64.’ Pero ano lang, sinimplihan ko lang. Pero hindi inilabas e.”
Naintindihan naman daw niya kung bakit ganoon kahigpit ang Protocol, “Kumabaga, ayun ang trabaho nila, e. Huwag na nating anuhin, nakakatakot ang grupong ‘yun, e. Ha-hahaha! Kaya ‘yung napanood ninyo sa movie, galing sa kanila. Wala kaming gamit na kamera sa loob ng Malacañang.”
Isa sa highlights din ng movie ang pagmi-meet nila ni Mayor Sara sa opisina nito sa Davao City, “Saka launching movie rin ‘to ni Mayor Sara. Si Mayor hindi rin biro ‘yun. Ayaw ng mga ganoon nu’n. Nagkataon si Mayor Sara pinapanood kami nu’ng araw, nag-aaral siya ng Law. Kaya lang pumayag ‘yun. Kung tutuusuin ayaw niya ng showbiz.”
So, sa kanya lang pumayag na lumabas sa pelikula si Mayor Sara? “Nagkataon,” ngiti ni Ariel. “Saka hindi, sinabi ko rin kasi struggling artist ako. Sabi ko, ‘Ma’m, matagal na kaming walang show.’ Alam mo ang mga ‘yan, kapag naririnig nila ‘yan, bilib ako tumutulong sa ‘yo pag struggling artist ka. Kaya nakakatuwa.”
Matitindi ang katapat na mga pelikula sa sinehan ngayon ng “The Kings of Reality Shows: The Untold Story”. But still, hopeful si Ariel na susuportahan ng local audience ang kakaibang pelikula nila ni Maverick na siguradong ikatutuwa at ikagugulat n’yo. Tiyak ding mai-inspire kayo sa hirap at challenge na pinagdaanan ni Maverick para lang matapos ang movie, lalo na ang paghingi niya ng solicitation sa mga kilalang celebrities at politiko.