Bicol naka-‘red alert’ sa bagyo

ISINAILALIM sa red alert ang mga disaster agency sa Bicol bilang paghahanda sa malakas na bagyong inaasahang tatama sa rehiyon at iba pang bahagi ng Luzon, sa susunod na linggo.

Ang bagyong may international name na “Kammuri” ay tatawaging “Tisoy” oras na pumasok ito sa Philippine Area of Responsibility Sabado ng gabi o Linggo ng umaga.

Itinaas ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ang pinakamataas na alerto Biyernes ng gabi, apat na araw bago ang inaasahang pagtama ng bagyo sa kalupaan sa Martes, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-5.

Bilang bahagi ng paghahanda sa bagyo, sinuspende ang mga klase sa Catanduanes sa Martes habang ang mga klase sa Albay at Sorsogon ay suspendido sa Martes at Miyerkules, ayon sa OCD.

Naglabas din ang RDRRMC ng memorandum na nag-uutos sa mga lokal na DRRM office na magpatupad ng pre-emptive evacuation, o paglilikas, sa mga taong nakatira sa “high-risk areas” bago mag alas-8 ng umaga Lunes.

Inatasan din ang mga lokal na awtoridad na magpatupad ng “no sail” policy at pagtatabas ng puno kung kailangan, ayon sa OCD.

Sa hiwalay na memorandum, inatasan ni Catanduanes acting governor Shirley Abundo ang pinuno ng local government offices na mag-suspende ng trabaho simula Lunes.

Di kasama sa suspensiyon ang mga ahensiyang inaasahang reresponde sa mga insidente sa kasagsagan ng bagyo.

Pakay ng suspensiyon na mabigyan ang mga government workers sa Catanduanes – isa sa mga lugar na maaaring unang dumanas ng landfall ng bagyo – na maghanda para sa kanilang kaligtasan.

“Private entities are likewise urged to suspend the conduct of business, subject to their discretion,” ani Abundo, na chairperson din ng Catanduanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.

Bukod sa suspensiyon ng klase’t trabaho, magpapatupad din ng liquor ban simula Lunes, aniya.

Read more...