ISANG pulis ang nasawi at 16 pa katao, karamiha’y estudyante, ang nasugatan nang masabugan ng granadang dala ng matandang lalaking nag-amok sa paaralan sa Initao, Misamis Oriental, bago mag-tanghali Huwebes.
Napatay din ang suspek na si Ebrahim Ampaso Basher nang barilin ng isa sa mga rumespondeng pulis, sabi ni Capt. Princess Joy Velarde, tagapagsalita ng Misamis Oriental provincial police.
Si Basher, 65, y residente ng Madamba, Lanao del Sur, ani Velarde.
Nasawi rin si MSgt. Jason Magno, ng Initao Police, dahil sa matinding pinsalang tinamo sa pagsabog, aniya.
Nagtamo rin ng matinding sugat ang buddy niya na si MSgt. Alice Balido, habang 15 pa katao, kabilang ang 10 estudyante ng Initao College, ang nagtamo ng bahagyang pinsala.
Naganap ang pagsabog sa campus ng paaralan sa Brgy. Jampason, dakong alas-11:20.
Bago ito, inulat sa lokal na pulisya ng isang concerned citizen na may lalaking nanggugulo at nagdudulot ng komosyon sa paaralan.
Sa isang video na kumakalat sa social media, makikitang sinubukang agawin ni Magno ang granada mula sa lalaki, na sa huli’y nakilala bilang si Basher, bago ito sumabog.
Kasunod nito’y lumapit na ang isa pang pulis at pinagbabaril ang suspek, na noo’y nakahandusay na kasama ni Magno.
Ayon kay Velarde, pumasok si Basher sa campus matapos mag-amok sa katabing tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
“Galing siya (Basher) sa DENR office kasi mayroon po siyang transaction doon. Nahuli po ‘yung sasakyan niya na mayroong dalang mga kahoy. Sa office pa lang po ng DENR, nag-amok na siya,” aniya.
Dahil dito’y nanakbo ang mga tauhan ng DENR sa covered court ng paaralan at doo’y sinundan ni Basher, ani Velarde.
Walang bakod sa pagitan ng dalawang pasilidad, aniya.
Naniniwala ang pulisya na nagbanta si Basher na pasabugin ang granada sa tanggapan ng DENR, dahil doon natagpuan ang safety pin nito.
Isang Tito Bagares, ng DENR, ang nagtamo pa ng tila saksak, batay sa listahan ng mga biktima na inilabas ng mga awtoridad.
Bukod kay Balido, sugatan sa pagsabog ang mga guro ng Initao College na sina Nestor Oblimar, 63, at Ry Sanny Galaroza, 26; siyam na estudyanteng edad 18 hanggang 25; isang 14-anyos na dalagita; fish vendor na si Lino Jalagat, 24; at isang Jolly Tacbobo, 42.
Dinala sila sa iba-ibang pagamutan dahil sa mga pinsala gaya ng galos, at mga sugat na dulot ng shrapnel at splinter ng granada.