NASAWI ang isang retiradong pulis nang barilin ng miyembro ng Navy na kanyang sinita para sa umano’y walang pakundangang pagpapaputok ng baril, sa Indang, Cavite, Sabado ng gabi.
Ikinasawi ni retired SPO2 Jose Alcantara, 59, ang tama ng bala sa ulo, ayon sa ulat ng Cavite provincial police.
Nagtamo naman ng tama ng bala sa binti ang suspek na si SSgt. Dimple Feranil, 43-anyos at aktibong staff sergeant ng Navy, dahil nagawa pa ni Alcantara na maiputok ang kanyang baril.
Naganap ang insidente dakong alas-9:30, sa Bago compound sa Brgy. Poblacion III.
Naglalakad pauwi noon si Alcantara nang makadinig ng mga putok ng baril, ayon sa ulat.
Bilang dating pulis, tinunton ni Alcantara ang pinanggalingan ng putok hanggang sa matagpuan doon si Feranil na nakikipag-inuman sa mga kaibigan nito.
Sinita ni Alcantara ang mga nag-iinuman, at kinumpronta naman ni Feranil, ayon sa pulisya.
Iginiit ni Alcantara sa Navy personnel na bawal ang walang habas na pagpapaputok ng baril at maaari itong masuspinde o matanggal pa sa serbisyo kung may makakakita at magrereklamo.
Dito umano nagpanting ang tenga ng noo’y nkainom nang si Feranil kaya bumunot ng baril at pinaputukan ang retiradong pulis.
Nakabunot din ng baril si Alcantara at naiputok ito sa binti ng Navy personnel bago siya tuluyang bumagsak, ayon sa pulisya.
Tumakas si Feranil matapos ang insidente, pero nadakip ng mga pulis na nagsagawa ng follow-up operation.
Narekober malapit sa kamay ni Alcantara ang kanyang kalibre-.45 pistola. Isinuko naman ng pamilya ni Feranil ang kalibre-.9mm pistola na kanya umanong ginamit sa pagpatay.
Dinala si Feranil sa MV Santiago Hospital, habang hinahandaan ng kasong murder, ayon sa pulisya. (John Roson)