ITINUTURING isa sa malaking impluwensiya sa mga Pinoy ay ang pamilya Poe, partikular ang itinuturing na ‘Da King’ na si yumaong Fernando Poe, Jr., ang kanyang maybahay na si Susan Roces at kanilang anak na si Senator Grace Poe.
Bagamat 15 taon matapos pumanaw si FPJ, nananatili ang kanyang iniwang legacy.
Apat na taon nang umeere ang remake ng kanyang Ang Probinsyano, na pinagbibidahan ng aktor na si Coco Martin, isang patunay na napakalaki pa rin ng impluwensiya niya sa publiko.
Nananatili rin inspirasyon si FPJ sa kapwa niya mga artista.
Patuloy pa ring tinatangkilik ang kanyang mga pelikula sa telebisyon bagamat deka-dekada ang edad ng mga ito.
Tatak ng mga pelikula ng Da King ang pagmamahal sa pamilya, ang ipaglaban ang hustisya at interes ng mayorya.
Bukod kay FPJ, nandiyan din si Susan Roces na nananatiling inspirasyon hindi lamang sa showbiz, kundi ng mga ordinaryong Pinoy.
Tumatak na sa mga manonood ang kanyang karakter sa Ang Probinsyano bilang Nanay Flora.
Dito ipinapakita ng karakter ni Nanay Flora ang katapangan, kasipagan, pagmamahal, pagiging matulungin at paglaban para sa katarungan.
Samantala, ang kanilang anak na si Senator Grace Poe naman ang tumutupad sa hindi natapos na misyon ng kanyang ama matapos ang pagpanaw nito.
Bukod sa mga pagsusulong ng mga naudlot na programa ng kanyang ama, patuloy pa rin ang hangarin ni Poe na mabigyan ng hustisya ang sinasabing nangyaring dayaan noong 2004 elections.
Kabilang sa mga ipinaglalabang isyu ni Poe ay ang malalapit sikmura ng mga ordinaryong Pinoy, kagaya ng kalbaryo ng mga mananakay, partikular ang patuloy na aberya sa MRT.
Ilang taon kasi matapos ang pangakong mapaganda ang serbisyo ng MRT ay patuloy pa ring naghihintay ang publiko na mapabilis serbisyo nito at matigil na ang mga nararanasang aberya sa operasyon.
Isang patunay si FPJ na sa kabila ng ilang dekadang lumipas, nananatili nagsisilbi siyang inspirasyon sa mga Pinoy.
Kapwa itinutuloy naman ng kanyang mga naulila na sina Susan at Grace ang kanyang mga adbokasiya.