Kasal o anak?

DEAR Ateng Beth,
Isa po akong OFW na may boyfriend dito sa Pilipinas. Sa Hong Kong ako nagtatrabaho bilang domestic worker. Meron po akong isang anak sa dati kong boyfriend. At ngayon ay nanay ko ang nag-aalaga.
Ang problema ko po ay tungkol dito sa BF ko. Sa totoo lang, mahal na mahal ko po siya, at mahal naman din niya ako.
Minsan na niya akong inalok na magpakasal kaya lang parang hindi pa ako handa kasi kailangan ko mag-ipon para sa anak ko. Ilang beses na niya akong niyaya at ilang beses na rin akong tumanggi.
Ngayon po, pinami-mili niya ako, kung pakakasal ako sa kanya o hindi, kasi kung hindi, tapusin na raw namin ang aming relasyon.
Sabi ko naman sa kanya, intindihin muna niya ang kalagayan ko. Tatlong buwan na siyang hindi nakikipag-usap. Anong gagawin ko?
Abbey, Cebu City

Dear Abbey,
Mabuti sigurong kausapin mo siyang mabuti, once and for all.
Ipaunawa mo sa kanya ang sitwasyon mo na bagamat mahal na mahal mo siya, ang priority for now ay ang iyong anak.
At sabihin mo rin, na ang isang bagay na hinog sa pilit, ay walang tamis.
Gugustuhin ba kamo niya na sumagot ka ng oo sa kanya pero mabigat naman ito sa iyong kalooban? Hindi ba’t mapait iyon, kamo?
Despite this, i-assure mo siya na mahal mo siya at hindi iyon nababawasan kahit hindi man kayo magpakasal ngayon.
On the other hand, huwag mo rin siyang paasahin. Kung may balak ka talagang pakasalan siya, hindi man ngayon, ay sabihin mo sa kanya. At kung wala ka naman talagang balak na pakasal sa kanya, then let him know and let him go.
Once na masabi mo na sa kanya ang position mo, then, nasa sa kanya na ang bola, if he would stay or not. Pero, handa ka dapat sa kung anong posibleng mangyari, especially kung umayaw na nga siya sa inyong relas-yon.
If he chooses to leave dahil ayaw mong pakasal, isang malaking kuwestyon sa akin kung totoo ka niyang love.
Meron nga ilang taon nang nagsasama kahit hindi kasal pero ang pagsasama ay halos naitaga na sa bato at di na matitinag pa.
Aanhin mo ang kasal kung hindi naman tapat ang pag-iibigan? O, di ba?

Read more...