Ang impluwensiya ni ‘Da King’

BIHIRA akong manood ng telebisyon kundi rin naman balita at lalo na sa mga sinehan dahil sa kawalan ng oras sa haba ng trabaho.

Pero isang bagay ang aking napansin at usap-usapan hanggang ngayon maging sa social media ay ang pamamayagpag ng teleserye na “Ang Probinsyano.”

Ano ba ang meron sa palabas na ito at hanggang ngayon ay patuloy na napapanood sa telebisyon gayung ang sabi ng iba ay long overdue na ang kwento nito?

Laliman natin ng kaunti, ang titulong “Ang Probinsyano” ay unang ginamit sa pelikula ng hari ng pelikulang Pinoy na si Fernando Poe Jr. o FPJ.

Bagama’t ilang taon na ang nakalilipas ay hanggang ngayon ay nananatili ang kanyang alaala sa publiko at iyun ang dahilan kaya nagmamarka pa rin sa publiko ang titulong “Ang Probinsyano.”

Noong Agosto 20 ay birth anniversary ni FPJ; kung siya’y nabubuhay sa ngayon ay 80-anyos na ang ating idolo.

Pero kahit wala na siya ay dumagsa pa rin ang kanyang mga tagahanga sa kanyang himlayan para magbigay-pugay sa nag-iisang hari ng pelikulang Filipino.

Hindi mo matatawaran ang pagmamahal sa kanya ng publiko kaya kahit wala na siya ay ramdam pa rin ang pagmamahal sa kanya ng mga tagahanga.

Sa December 14 ay gugunitain naman ang kanyang ika-15 taong kamatayan at tulad ng inaasahan ay muli na namang magpapakita ng pwersa ang kanyang mga tagahanga.

Ito ang mga nagmamahal sa kanya na iba-iba ang estado ng buhay pero ika nga ay iba’t ibang paraan ay naka-impluwensya sa kanila ang buhay ni “Da King.”

Sa aking simpleng pananaw, isa ito sa mga dahilan kung bakit ang titulong “Ang Probinsyano” ay patuloy na umuukit sa kasaysayan ng mga Pinoy maging sa aspetong pang “theatrical” o maging sa tunay na buhay.

Pagpapakita ito ng isang katangiang Pinoy na simple, nadedehado kung minsan pero hindi magpapatalo at patuloy na nakikipaglaban sa mga pagsubok sa buhay.

Read more...