TINGNAN mo nga naman ang buhay.
Down and out na siya at maging ang kanyang pamilya ay lunod na sa pighati dahil sa trahedyang nangyari sa ibabaw ng boxing ring sa Yokohama, Japan.
Sa isang iglap ay natapos ang pangarap ng Kabitenyong boksingero na si Renerio Arizala matapos bumagsak sa 6th round kontra kay Tsuyoshi Temada.
Agaw-buhay si Arizala sa Yokohama Minato Red Cross Hospital ngunit dahil na rin sa Poong Maykapal ay na-KO niya si kamatayan hanggang tuluyang makauwi sa Pilipinas.
Bahagi ng buhay ng isang propesyonal na boksingero ang ang palaging paghahamon kay kamatayan at bagamat lahat ng pag-iingat ay ginagawa ay hindi pa rin maiwasan ang trahedya tulad ng naranasan ni Arizala. Ang mga ganitong problema na karaniwan ay dahil sa mga nakaririnding tama sa ulo ay kumitil na sa maraming buhay sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Ngunit mahirap mawala ang boksing. Bahagi na ng kulturang Pinoy ang makita ang dalawang mandirigma na nagpapalitan ng malulutong na suntok sa itaas ng ring.
Huwag kalimutan na karamihan sa ating mga iniidolong mga sportsmen ay mga boksingero (Flash Elorde, Manny Pacquiao, Onyok Velasco, atbp). Sila ang mga Pinoy sportsmen na hindi mawawala sa memorya at puso ng mga Pinoy dahil sa kanilang ipinakitang tapang, husay at galing.
Tapos na ang karera ni Arizala bilang pro boxer, ngunit hindi pa tapos ang kanyang pakikipagsapalaran sa buhay.
Matapos ang Yokohama nightmare ay binuhat si Arizala ng mga taong malilinis ang budhi na walang inisip kundi ibalik ang sigla ng buhay ng boksingero.
Nangunguna sa listahan si Games and Amusements Board (GAB) chair Abraham ‘’Baham’’ Mitra na simula’t sapul ay wala nang inisip kundi ang kabutihan ng mga boksingero. Dahil sa kanyang mga alituntunin ay nabigyan ng panibagong sigla ang mga boksingero na napangalagaan ang karera at ang kalusugan upang matiyak na hindi kakatayin o kawawain ang ating mga pambato kung sasabak sa labas ng bansa.
Sa ilalim ni Chairman Baham ay buo ang kilos ng ahensya sa pagtataguyod ng kabutihan ng pro sports sa bansa. Malaki rin ang papel nina Commissioner Mar Masanguid at Eduard Trinidad sa makinis na pagpapatakbo ng GAB.
Bakit ko naman ito nasabi?
Dahil sa mga hakbangin ng GAB ay nakakuha ng tulong pinansyal na umaabot sa P1.4 milyon mula sa Japanese Professional Boxing Association si Arizala. Ang halaga ay malaking bagay sa kanyang pagbangon.
Pumunta pa mismo sa opisina ng GAB sa Makati City sina Japanese Professional Boxing Association (JPBA) chief Ryuko Kazuhiro, at Japanese Boxing Commission chief at OPBF Secretary General Tsuyoshi Yasukochi kasama ang isa pang opisyal na si Yukio Sebata upang ibigay ang maagang Pamaskong aginaldo sa maluha-luhang si Arizala at ang kanyang ina na si Aling Jovencia.
Ang ginawa ng JPBA ay pagpapatunay ng tunay na malasakit nito sa mga boksingerong Pinoy. Nais ko ring idiin na krusyal ang magandang relasyon ng GAB sa ilalim ni Mitra sa JBC.
“Japan is not only our friend but also our partner in promoting the welfare of our professional boxers. Last year, GAB and JBC inked an agreement allowing (Filipino) professional boxers to fight in Japan provided that they will obtain a travel authority from GAB,” diin ni Mitra.
Hindi nagtapos sa tulong ng mga Hapon ang mala-telenovelang buhay ni Arizala. Binigyan din siya ng trabaho ni Chairman Baham bilang empleyado ng GAB.
Way to go, Baham!
Mindanao Sports for Peace Caravan
Upang tumulong sa pagsulong ng kapayapaan sa Mindanao ay pormal na binuksan ng Philippine Sports Commission at ng Philippine Sports Institute ang Mindanao Sports for Peace Caravan sa Cotabato City State Polytechnic University (CCSPU).
Matibay ang paniniwala ng PSC at ang binuo nitong PSI na isang tulay ang sports upang magkaroon ng kapayapaan. Ito ay ayon sa sinabi ni Pangulong Duterte na, “The language of sports is the language of peace.”
Nilunsad ang Ate/Kuya Leadership Training program na kung saan ay dumalo ang 50 volunteers mula sa CCSPU. Ang mga mag-aaral ang tutulong sa PSC at PSI sa paghahatid ng mga iba’t-ibang palakasan na nakatuon sa hindi kukulangin sa 500 kabataan sa Mindanao.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga opisyal ng Cotabato kay PSC chairman Butch Ramirez sa pagtuon nito ng pansin sa sports tungo sa kapayapaan.
Nanguna sa paglulunsad sina PSI Deputy Head Marlon Malbog at PSC Mindanao Head Prof. Ed Fernandez na nagpaliwanag sa mga programa ng ahensya.
Sa ilalim ni Ramirez ay naging matindi ang pagtutok ng PSC sa grassroots sa lahat ng sulok ng bansa.
Ang caravan ay tutungo sa 17 probinsiya sa Mindanao.