VP Robredo, ingat sa sikreto ng bansa

UMALMA si ICAD Co-chair at PDEA Director-General Aaron Aquino sa pagbibigay ng “sensitibong impormasyon” kay Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Aquino, ang hinihinging listahan ng mga “high value targets” ay “classified information” ng National Security Council na dapat lamang makita ng mga taong may “security clearance”.
Alanganin din si Interior Undersecretary Rico Judge Echiverri na payagan ang hiling ni Robredo na ibigay sa kanya ang listahan ng mga pulis na kabilang sa nagpatupad ng war on drugs. Kwestyon ni Echiverri, tumutulong ba siya talaga o naghahanap lang ng ebidensyang gagamitin laban sa mga pulis at sa estado?
Noong Miyerkules, nakipagpulong si Robredo sa mga Amerikano mula US Embassy, US DEA, FBI, USAID kabilang ang United Nations na nag-alok ng tulong sa illegal drug problem ng bansa. Kinabukasan, nagsalita si VP na meron siyang impormasyon na karamihan ng illegal drugs dito ay ga-ling China lalo’t puro Chinese nationals ang nahuhuli.
Kinontra agad ng PDEA ito at nagsabing “Golden Triangle” o sindikato mula Thailand, Laos at Myanmar ang pinanggagalingan ng droga. “Misinformed” daw si VP dahil karaniwang gamit ng Golden Triangle ay mga nakatagong “tea bags” na may Chinese characters at markings, na siyang trademark ng naturang international drug syndicate.
Nainsulto naman agad ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry (FFCCI) at tinawag na “racial profiling” ang akusasyon na sangkot sa illegal drugs and mga Chinese nationals.
Maging si Senate Pre-sident Tito Sotto ay pinag-iingat si VP sa pag-akusa sa China dahil meron din silang problema ng shabu at katulong sila ng bansa sa paglaban sa Golden Triangle.
Si President Duterte ay nagbabala noong Sabado kay Robredo na aalisin niya ito sa posisyon kapag nagbigay siya ng mga sikretong impormasyon na magbibigay panganib sa seguridad ng bansa.
Nagpahayag naman si Robredo na tanggap niya ang limitasyon ng kanyang posisyon bilang co-chair ng ICAD, isang policy making group. Wala naman daw siyang supervision sa mga ahensya na nagsasagawa ng war on drugs. Ayon kay Robredo, wala siyang hidden agenda sa paghingi ng mga datos tungkol sa kampanya laban sa droga ng Duterte administration.
Kung susuriin, naniniwala akong kabisado ni VP Robredo ang kanyang bagong trabaho sa kampanya laban sa illegal drugs. Ito’y dumating habang siya ay may kasong “inciting to sedition” kasama ng 35 iba sa DOJ kung saan opisyal din ng ICAD si Sec. Meynardo Guevarra. Kasama din niya sa ICAD ang PNP na nagsampa ng kaso sa pamamagitan ng CIDG tungkol sa “Bicoy videos”.
Sa kabilang dako, si Duterte naman ay target ng International Criminal Court na naglunsad ng initial inquiry tungkol sa umano’y crimes against humanity, extrajudicial e-xecutions and mass murder sa war on drugs nito mula pa noong 1988. Ang UN rapporteur at Human Rights Watch ay target din si Duterte.
Kaya naman, matindihang girian ang nangyayari. Hingi nang hingi ng listahan at datos si Robredo sa War on drugs, hindi naman pumapayag ang mga Duterte officials dahil parang kumuha sila ng batong ipupukpok sa sariling ulo.
At dito, abangan natin ang bagong teleserye ng war on drugs, na ngayo’y naging kumplikado dahil kumampi si Robredo sa Amerika at inakusahan ang China. Papasok pa ang UN at hindi malayong pati ICC. Bantayan natin!

Read more...