San Beda Red Lions, Letran Knights agawan sa NCAA crown

Laro Ngayong Martes (Nobyembre 19)
(Mall of Asia Arena)
1 p.m. San Beda vs Lyceum (Juniors)
4 p.m. San Beds vs Letran (Seniors)

MAGSASALPUKAN sa huling pagkakataon ang San Beda Red Lions at Letran Knights para malaman kung sino ang mag-uuwi ng NCAA Season 95 men’s basketball championship ngayong Martes, Nobyembre 19, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Hindi naging madaling katunggali para sa naghahabol sa ikaapat na diretsong titulo na Red Lions ang matinding karibal na Knights sa labanan nila na naging dikdikan hanggang sa dulo.

Nanaig ang Letran sa Game One, 65-64, bago rumesbak ang San Beda sa Game Two, 79-76, para ilatag ang kanilang alas-4 ng hapon na rubber match.

Puntirya ng Red Lions ang NCAA record na ika-23 korona habang asinta ng Knights na maitaas ang ika-18 na championship banner.

Ito rin ang ikaapat na sunod na pagkakataon na nauwi ang San Beda-Letran Finals series sa isang winner-take-all Game Three.

Nagawang magwagi ng Red Lions sa kanilang do-or-die game noong 2012 at 2013 habang nanalo ang Knights noong 2015 sa isang klasikong Game 3 na nagtapos sa overtime.

Nagbida sa Game Two noong Biyernes si Season 95 MVP Calvin Oftana na nakagawa ng 3-point play para ibigay sa San Beda ang kalamangan, 77-76, may 19.1 segundo ang nalalabi sa laro.

Nabigo naman ang Letran na tuluyang mauwi ang korona at patalsikin sa kanilang trono ang San Beda matapos sumablay sa kanyang undergoal layup si Bonbon Batiller sa mga huling segundo ng laro.

Umaasa naman si San Beda head coach Boyet Fernandez na muling magwawagi ang Red Lions sa kanilang sudden-death match at hindi na bibigyan ng pagkakataon ang Knights na makabawi.

“I hope we sustain this one. Playing a tough team like Letran that will be hard for us but again I do thank my players, thank the Lord for this,” sabi ni Fernandez.

Sinuwerte rin ang Red Lions sa laro matapos na magtamo ng cramps ang nagpapakitang gilas na si Knights guard Fran Yu.

Inaasahan naman na magiging maganda na ang kondisyon ni Yu para matulungan ang Letran na makabalik sa trono.

“No one really expected us to be here and go toe-to-toe with them and also give them their first loss after 32 victories,” sabi ni Knights coach Bonnie Tan.

Read more...