Maria napili na ang papalit sa kanyang trono…sino siya?

MARICEL SORIANO AT ARJO ATAYDE

Kung magkakaroon ng Bagman Season 3 ay gusto ng Diamond Star na si Maricel Soriano na mag-guest dahil nagandahan siya sa digital series na pinagbibidahan ng anak-anakan niyang si Arjo Atayde na napapanood ngayon sa iWant.

Isa si Marya sa nanood ng Bagman 2 sa ginanap na celebrity screening sa Santolan Town Plaza at talagang hangang-hanga siya rito, pinuri niya ang lahat cast members pero siyempre, bidang-bida sa kanya si Arjo.

Banggit pa nito sa nanay ng aktor na si Sylvia Sanchez, “Sylvia, mas magaling umarte sa atin ang anak natin, aminin natin ‘yan!”

Kaya naman sobrang natutuwa si Ibyang sa lahat ng pumuri sa anak lalo na sa mga kapwa niya artista na pawang mga premyado rin.

Tinanong namin si Ms. Maricel kung anong role ang gusto niya kung sakaling mag-guest siya sa season 3 ng Bagman, “Ako? Gusto ko, Bagman, ako si Bagman.”

Puwede naman dahil gobernador na ngayon si Benjo Malaya (Arjo) kaya puwede na niyang ipasa ang papel niya bilang bagman. At kung si Marya ay gustong maging bagman, si Ibyang naman ay gusto maging hitman, “Ako ang papatay kay Arjo. Ha-hahaha!”

Anyway, sa “The Heiress” mediacon na ginanap nitong Huwebes ay natanong si Maricel kung sino ang pwedeng maging “heiress” niya among the young stars of today’s generation.

“I think it’s my pamangkin Meryll (Soriano). She looks like me, she talks like me, di ba?” nakangiting sabi ng nag-iisang Diamond Star.

Sa madaling salita walang pumasa sa mga batang aktres ngayon, “Wala kasi si Meryll talaga ang kamukha kong todo, eh at mabait na bata ‘yun.”

Mas marami bang award si Meryll sa kanya? “Hindi naman. Pero I’m happy for her,” sambit ni Marya.

Bukod sa pelikulang “The Heiress” ay may gagawing teleserye ang aktres sa Kapamilya network pero ayaw pa niyang banggitin kung sino ang mga makakasama niya, pero ang balita namin isang sikat na loveteam ang bibida sa serye.

Mapapanood na ang “The Heiress” sa Nob. 27 mula sa Regal Films na idinirek ni Frasco Mortiz.

Read more...