Andrea-Seth loveteam hot na hot: Sana po tumagal din kami tulad ng KathNiel!

ANDREA BRILLANTES AT SETH FEDELIN

NAGMISTULANG palitan ng “wedding vows” ang pagbibigay ng mensahe nina Andrea Brillantes at Seth Fedelin nang humarap sa entertainment media kamakailan.

Bibida ang Kadenang Ginto loveteam sa bagong pelikula ng iWant, ang “Wild Little Love” at sa nakaraang presscon nila, nangako ang dalawang bagets na hinding-hindi iiwan ang isa’t isa kahit anong mangyari.

Anila, susuportahan nila lagi ang isa’t isa at mananatiling honest at loyal at habang sinasabi nila iyan ay seryoso sila’t nakaharap pa sa isa’t isa na akala mo’y ikinakasal!

Nang matanong kung gusto rin ba nilang marating ang estado ng tambalang KathNiel, mabilis na “oo naman” ang tugon ni Andrea.

“Siyempre po kasi matagal na po akong fan ng KathNiel, ipinagdadasal ko rin po na magkaroon ako ng ganu’n (ng Daniel sa buhay niya), so sana po, umabot kami du’n na ganu’n katagal, na marami pong projects, mga award,” sey pa ng young actress.

Hirit naman ni Seth, “8 years? Ganu’n katagal? Sigurado ka, ha! Trabaho? O sige.”

Feeling ba nila matutulad din sila sa KathNiel na nagkatuluyan in real life? “Basta, enjoy lang po, ‘yung edad namin ngayon. Kasi, andiyan lang naman ‘yun, eh. Kung para naman po talaga kami sa isa’t isa, eh, siguro, kami,” sabi ni Seth na inayuna naman si Andrea.

***

Samantala, young love at kilig ang bibida ngayong buwan sa iWant sa handog nitong dalawang original movies tampok ang Kadenang Ginto at The Gold Squad loveteams nina Andrea at Seth at Francine Diaz and Kyle Echarri, na mapapanood back-to-back simula Nob. 23 at 27.

Bilang bahagi ng offerings ng iWant sa unang anibersaryo nito, magkaibang love stories ang pagbibidahan ng phenomenal love teams ng KyCine (Kyle at Francine) at SethDrea (Seth at Andrea).

Bukod dito, magkakaroon din ng pagkakataon ang kanilang fans na magpasya kung alin sa dalawang pelikula ang unang mapapanood sa iWant sa pamamagitan ng pagboto sa isang Facebook poll na tatakbo mula Nob. 13 hanggang 22.

Sa “Silly Red Shoes” ng KyCine, magkaibigang magkakaroon ng mas malalim na pagtitinginan sina Chuck (Kyle) at Ashley (Francine). Sa kagustuhang mabuhay muli ang negosyong sapatusan ng kanyang pamilya, hihingin ni Chuck ang tulong ni Ashley na maging model ng ginawa niyang sapatos para sa isang contest.

Ngunit dahil ikinahihiya ang mga paa niyang tila nagbabago ang size araw-araw, mahihirapan ang dalaga na magampanan ang pagiging model sa kabila ng pagbibigay ng lakas ng loob sa kanya ng sapaterong kaibigan.

Sa pagiging malapit ng dalawa, matutuklasan nila ang sikreto sa likod ng isang misteryosong pares ng pulang sapatos.

Sa “Wild Little Love” naman ng SethDrea, mapipilitang mag-aral sa isang public high school ang spoiled brat na si Sam (Andrea) bilang parusa. Mahihirapan siyang makisama sa bagong mundong ginagalawan, kaya’t tutulungan siya ng masipag na chick boy na si Jake (Seth) at tuturuan itong pahalagahan ang simpleng buhay.

Habang nahuhulog ang loob nila sa isa’t isa, mapapagtanto nilang isang malaking hadlang sa kanilang pag-iibigan ang magkaiba nilang estado sa buhay.

Ang “Silly Red Shoes,” na idinirek ni James Mayo at co-produced ng Dreamscape Entertainment at Spring Films, ay tampok din sina Anna Luna, Karen Reyes at Herbert Bautista.

Idinirek naman ni Benedict Mique ang “Wild Little Love” na co-produced ng Dreamscape Entertainment at LoneWolf films. Kasama rin sa cast sina Carmina Villaroel, Alfred Vargas, Criza Taa, Jin Macapagal at Victor Neri.

Ikaw ba ay Team Silly o Team Wild? Iboto na ang pelikulang una mong gustong mapanood sa espesyal na poll sa official Facebook page ng Dreamscape Entertainment (facebook.com/DreamscapePH) simula Nob. 13, 8 p.m. hanggang Nob. 22, 10 p.m..

Panoorin ang inaaabangang mga pelikula ng The Gold Squad sa iWant app (iOs at Android) o sa iwant.ph simula Nob. 23 at 27.

Read more...