Unang kaso ng lung injury dulot ng paggamit ng vape naitala sa Visayas — DOH

INIULAT ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng vape-associated lung injury (EVALI) mula sa 16-anyos na dalagita sa Visayas.

Sa isang pahayag, kinumpirma ng isang pribadong pulmonologist sa DOH na nakaranas ang pasyente, na naospital noong Oktubre 21, ng “sudden-onset severe shortness of breath, required oxygen supplementation and Intensive Care Unit admission.”

Matapos ang isinagawang imbestigasyon, sinabi ng doktor na na-diagnose ang dalagita ng EVALI, base sa inilabas ng panuntunan ng US Centers for Disease Control.

Sinabi ng DOH na gumagamit ang pasyente ng e-cigarette sa nakalipas na anim na buwan habang isinasabay ang ordinaryong sigarilyo.

Muling pinaalalahanan ni Health Undersecretary Eric Domingo ang mga gumagamit ng e-cigarette na agad na magpatingin sa doktor at manghingi ng payo kung paano ititigil ang paggamit ng vape.

Idinagdag ni Domingo na hindi dapat gumamit ng vape ang mga menor de edad.

“No e-cigarette product should be accessible to young children and adolescents, who are uniquely susceptible to the harms of e-cigarettes and nicotine. I urge non-users not to even try e-cigarettes at all,” sabi pa ni Domingo.

Nauna nang sinabi ni Domingo na tinatayang isang milyong Pinoy, karamihan ay mga kabataan ang gumagamit ng e-cigarettes.

Read more...