KAPAG nakakakuwentuhan ko ang ilang mga nakatatanda, madalas mabanggit sa usapan ang isyu ng “mental health.”
Mga problemang pangkaisipan na siyang nangingibabaw sa panahon natin ngayon at kadalasan ay nagiging sanhi ito ng pagpapakamatay.
Dati-rati kapag napag uusapan ang pagpapatiwakal, mas lamang ito sa mga kababaihan. Pero hindi na ngayon.
Kahit mga may edad na, kilala at maituturing pa ngang matagumpay sa kanilang mundong ginagalawan, nagugulat na lang tayong mabalitaan na nagpakamatay sila.
E di lalo pa ang mga kabataan ngayon. Madali silang sumuko at hirap nilang harapin ang dumadaluyong na mga problema sa araw-araw.
Mental health din ang pinagtutuunan ng pansin ngayon sa hanay ng mga seafarers.
Ayon sa isinagawang research, kailangang may internet at dagdagan ang amenities ng mga barko para may mapaglibangan ang mga seafarer. At nang hindi umano kung ano-ano ang naiisip nila.
Malaki ang kaugnayan nito sa henerasyon ngayon na madaling nakukuha ang lahat! Instant gratification, ika nga.
Ayaw pumila dahil puwede naman na “online”. Ayaw magluto dahil puwede namang drive-thru or home delivery. Walang manual na trabaho sa bahay dahil may mga machine naman tulad ng washing machine, rice cooker, floor polisher at marami pang iba. Kaya ang kapalit naman niyan, pagka-addict sa mga electronic gadgets.
Maraming kabataan, estudyante pa lamang, ay may sarili nang mga kotse. Kaya pag nagkatrabaho, hindi nila pinagtitiyagaan iyon. Konting problema lang, magre-resign na saka hanap na naman. Hindi sila nagtatagal at papalit-palit ng trabaho.
Wala naman kasi silang obligasyon. May libreng bahay at pagkain. Walang hinuhulugang sasakyan. Walang bayaring utilities. Kaya naman konting problema lang, susuko na!
Iba -iba nga ang problemang kinakaharap natin ngayon. Sa kabila ng pagsulong sa teknolohiya, makabagong mga imbensyon at mayabong na ekonomiya, hindi nito kayang pagtakpan ang depresyon o labis na kalungkutan ng tao.
Napakataas din kasi ng kawalang kasiguruhan sa buhay ngayon. Ang bansang dating tahimik at may magandang kabuhayan, magulo na ngayon!
Tulad na lang sa Hongkong! Iniiwasan muna ng mga turista na magtungo ngayon doon. May mga nagbebenta na diumano ng kanilang mga ari-arian at nais nang manirahan na lamang sa ibang bansa. May mga negosyong magsasara na.
Kumusta naman ang pakiramdam at kalagayan ng ating mga OFW? Tiyak ganoon din ang nadarama nila. Na anumang oras, maaari silang mawalan ng trabaho. At saka papasok na ang sunod-sunod na mga tanong ng paano na at paano kung, na pawang walang tiyak na mga kasagutan.
Kaya ba mas madaling sumuko kaysa lumaban?