Mabuti na lang at hindi napikon si Seth Fedelin sa biro ni Direk Benedict Mique na mabuti na lang at guwapo siya dahil mahusay umarte ang kapartner niyang si Andrea Brillantes sa unang digital movie nilang “Wild Little Love” mula sa Lonewolf Productions at Dreamscape Digital na mapapanood sa iWant.
Diretsong sabi ni direk Benedict, “Si Andrea, one of the best actress in the industry. Marami na akong nakatrabaho, ang galing nito, she’s been in the industry for nine years na sabi ko, ‘Blythe (palayaw ni Andrea) ganito, ganyan.’ Ia-adjust niya. Kaya for me, she’s a young veteran actress!”
Sabay baling kay Seth, “Kaya nakakaawa itong si Seth, medyo ano (sabay tawa). Pero for someone as good as Blythe tapos isa kang artista na baguhang lalaki na papasok ka nakakatakot. Kasi kapag nagharap na kayo, nag-aktingan na kayo, lulubog ka pag hindi ka (nakahabol), buti na lang guwapo siya.
Ha-hahaha! Hindi joke lang!” kaya tawanan ang lahat ng nasa presscon ng “Wild Little Love.”
Pinuri naman ni Carmina Villaroel si Seth, “Half of my life has been in this industry at marami na rin akong nakasamang mga baguhan at nakikita ko kung mayroon talagang potential at may mararating. Si Seth there’s this one sequence na very light, nadama ko siya, kaya next time tayo naman ang puwedeng mag-mommy.”
Walong araw ginawa ang “Wild Little Love” at naayos mabuti ang schedule nina Seth at Andrea na sume-segue sa taping ng Kadenang Ginto.
“Kaya nga laging tulog sa set si Andrea and we have to understand her, kasi nga galing ng taping,” paliwanag ni Carmina na gumaganap bilang nanay ng batang aktres sa pelikula.
“As much as possible sinusunod namin ang cut-off kasi nga (menor de edad pa),” saad ng direktor.
Abut-abot naman ang pasalamat ni Seth sa mga narinig niyang papuri sa kanya kaya pinasalamatan niya ang lahat ng nagtiwala sa kanya para mapabilang sa “Wild Little Love” lalo na sa direktor nila.
“Nagtiwala po ako sa lahat kung anuman ang sinasabi nila sa akin, tatanggapin ko po bilang aral na dapat kong matutunan dahil nga po baguhan ako,” sabi ni Seth.
Kasabay ding nag-presscon ng “Wild Little Love” ang isa pang iWant movie na “Silly Red Shoes,” na idinirek ni James Mayo na pagbibidahan naman nina Francine Diaz at Kyle Echarri.
At dahil sabay ang paglabas ng dalawang digital film pumili kung kayo ba ay Team Silly o Team Wild?
Iboto ang pelikulang una mong gustong mapanood sa espesyal na poll sa official Facebook page ng Dreamscape Entertainment (facebook.com/DreamscapePH) simula Nobyembre 13 (Miyerkules), 8 p.m. hanggang Nob. 22 (Biyernes), 10 p.m.
Panoorin ang inaaabangang mga pelikula ng The Gold Squad sa iWant app (iOs at Android) o sa iwant.ph simula Nob. 23 at 27.