Daan-daan lumikas dahil kay ‘Ramon’

DAAN-daang tao ang nagsilikas dahil sa inaasahang pagtama ng bagyong “Ramon” sa Luzon.

Nasa 227 pamilya ang nagsilikas sa mga bayan ng Caramoan, Garchitorena, at Pasacao ng Camarines Sur, at sa bayan ng Tiwi, Albay, bilang paghahahanda sa bagyo, batay sa inisyal na tala ng Office of Civil Defense-Bicol.

Nakapagtala naman ng pulisya ng 203 kataong nagsilikas din sa Sorsogon.

Sinuspende ang klase sa maraming bahagi ng Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Camarines Norte, at Sorsogon bilang paghahanda sa bagyo.

Suspendido rin ang mga biyahe ng barko sa Bicol, at dahil dito’y may naitalang di bababa sa 2,577 stranded na pasahero sa iba-ibang pantalan sa rehiyon, ayon sa OCD.

Kinansela din ang mga biyahe ng eroplano mula Legazpi City patungong Maynila, at pabalik.

Cagayan may P1.85B pinsala sa baha, red alert ulit

Dahil sa parating na bagong bagyo, pinanatili ang red alert sa lalawigan ng Cagayan, na noong nakaraang linggo lang ay dumanas ng matinding pagbaha na dulot ng bagyong “Quiel.”

Pinanatili ng Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction Management Office ang pinakamataas na estado ng alerto matapos magsagawa ng pre-disaster risk preparation meeting, ani Rogie Sending, tagapagslita ng pamahalaang panlalawigan.

Ilang oras lang bago ang pulong, inulat ng PCCDRRMO na umabot sa halagang P1.85 bilyon ang halaga ng pinsalang iniwan ng pagbaha nakaraang linggo.

Mahigit P207.71 milyon ang pinsalang naitala sa mga pananim, mahigit P2.7 milyon sa mga alagaing hayop, at P1.63 bilyon sa imprastruktura.

Umabot sa 133,914 katao sa 16 bayan ang naapektuhan ng mga pagbaha, na nag-iwan din ng apat na patay, dalawang sugatan, at isang nawawala, ayon sa PCCDRRMO.

Bagyo tatama sa lupa pero hihina

Ayon kay Aldczar Aurelio, weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, inaasahang tatama sa kalupaan ang sentro ng bagyong “Ramon” sa Linggo, pero ito’y hihina at magiging isa na lang “tropical depression.”

Unang iniulat ng ahensiya na maaring tumama ang sentro ng bagyo sa San Mariano, Isabela.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 500 kilometro silangan ng Baler, Aurora.

Bahagya itong bumagal at kumikilos na sa bilis na 15 kilometro kada ora.

Taglay ng bagyo ang hanging aabot sa 65kph malapit sa sentro, at bugsong aabot sa 80kph, ayon sa PAGASA.

Isinailalim ang lalawigan ng Catanduanes sa tropical strom warning signal no. 2, habang signal no. 1 ang nakataas sa silangang bahagi ng Isabela, hilagang bahagi ng Aurora, Polillo Island ng Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, at Albay.

Inalis na ng PAGASA ang signal no. 1 sa Sorsogon, Northern Samar, at Eastern Samar.

Read more...