TIWALA ang Philippine cycling team na magiging maganda ang kanilang kampanya sa gaganaping 30th Southeast Asian Games.
Hindi lang kasi dadalhin ng mga siklista ang homecourt advantage kundi ang buong suporta ng PhilCycling sa pamumuno nina Tagaytay Rep. Abraham ‘’Bambol’’ Tolentino at team manager Ernesto ‘’Judes’’ Echauz na siya ring chairman ng Standard Insurance at pangulo ng Sailing sa bansa.
Suportado rin ng Standard Insurance ang Philippine duathlon team na inaasahang magbibigay ng ginto sa Pilipinas.
Naniniwala naman si dating SEA Games gold medalist Marella Salamat na magiging palaban ang pambansang koponan na may kakakayahang maging No. 1 sa biennial Games. Gagawin ang padyakan sa Disyembre 4-7 sa Nasugbu, Batangas.
“We’re very confident of winning most of the gold medals in the SEA Games,” sabi ni Salamat sa ika-48 edisyon ng “Usapang Sports” forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
“Maayos ang naging paghahanda namin ngayon at tiwala kami na mananalo kami,” dagdag ni Salamat na nauwi ang ginto noong 2015 sa Singapore SEA Games.
Pinasalamatan din ni Salamat ang Standard Insurance sa pamumuno ni Echauz sa todong suporta na binibigay nito sa cycling.
Sinabi ni Salamat, na nag-aaral ng dentistry sa University of the East, na maganda ang preparasyon ng mga national cyclists para sa SEA Games.
Noong 2016 ay kinuha ni Salamat ang pilak sa World University Cycling Championships sa Tagaytay City.
“To be honest, I don’t want to put too much pressure on myself anymore. I’ll just do my best and see what happens,” sabi pa ni Salamat.
Tiwala rin ang mga kasamahan ni Salamat sa national cycling team na sina El Joshua Carino, Ronald Oranza at Jermyn Prado. Si Carino ay nagkampeon sa Le Tour habang si Oranza ay naghari naman sa Ronda Pilipinas.
Dadalhin ng mga pambansang siklista ang Philippine Navy-Standard Insurance.
“Sa tingin ko, para sa atin itong gold ngayon. Last year, nakita na namin ang mga kalaban at sa tingin namin kaya,” sabi ni Carino.
Sinabi naman ni Oranza na mabigat na kalaban ng bansa ang Thailand at Indonesia.
“Pero malaking bagay ‘yung kabisado natin yung ruta. Homecourt advantage tayo,” sabi ni Oranza.
Bagamat baguhan sa international competition, sinabi ni Prado na handa siya sa padyakan.
“First time ko sa SEA Games pero masaya ako na dito sa atin gagawin ang laban,” sabi ni Prado na back-to-back champion ng PruRide.