Coco Martin binayaran lahat ng kinain ng tropa ni Vice Ganda sa resto

TUWANG-TUWA ang Unkabogable Star na si Vice Ganda nang ilibre siya at ang kanyang mga kaibigan ni Coco Martin sa isang restaurant kagabi.

Aksidenteng nagkita ang magkaibigan habang may kani-kanya silang kasamang kumakain sa nasabing restaurant.

Ayon kay Vice, si Coco ang nagsabi sa kanya na siya na ang magbabayad sa lahat ng inorder niyang pagkain kaya hindi na siya nag-inarte.

Sa kanyang Twitter account, ibinalita ng TV host-comedian sa mga followers niya na si Coco nga ang sumagot sa bill nila sa restong kinainan kasama ang dalawang katrabaho.

Tweet ni Vice, “Nilibre ako ng dinner ng bespren kong milyonaryo!!! Ang sayaaaaaa!!! Love you Dengdeng!!!!” Ang Dengdeng ay palayaw ng Kapamilya actor na laging ginagamit ni Vice kapag nagkukuwento siya tungkol sa kanyang kaibigan.

Base sa kumalat na video sa Instagram, nagbibiruan ang mga kasama ni Vice na ito ang sasagot sa dinner nila kaya nag-alala sila nang late dumating ang komedyante sa restaurant.

Maririnig si Vice sa video na nagda-dialogue ng, “Alam mo parang gusto ko mang-playtime kanina. ‘Huwag kaya ako sumipot?’

“E, biglang nag-text si Glorious, si Coco daw nasa kabilang table. Ay, sige na nga…Pabayaran natin kay Coco!” hirit pa ng Phenomenal Box-Office Star.

Sa isa pang video sa IG, mapapanood si Vice na kumakain sa nasabing restaurant, natatawang sabi niya sa kumukuha ng video, “Asa kabilang table si Coco, papabayaran ko!”

Wala namang nabanggit si Vice kung sino ang kasama ni Coco na kumakain sa resto kaya ang tanong sa kanya ng mga netizens, kung ang rumored girlfriend ba nitong si Julia Montes ang ka-dinner ng Teleserye King.

Read more...